Pagtibayin ang kapit sa top spot at panatilihing walang bahid ang kanilang record ang hangad ng defending women’s champion Ateneo de Manila sa kanilang muling pagtutuos ng University of Santo Tomas (UST) sa pagpapatuloy ngayon ng ikalawang round ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Hawak ang malinis na barahang 11-0, tatlong laro na lamang ang bubunuin ng Lady Eagles ni Thai coach Anusorn Bundit upang ganap na mawalis ang elimination round.
Tatangkain ng Lady Eagles na maulit ang kanilang naging tagumpay kontra sa “unpredictable” na Tigresses sa unang round para sa hangad nilang ika-12 sunod na pagwawagi.
Sa panig naman ng UST, target nilang magsolo sa ikatlong puwesto sa pamamagitan ng pagkalas sa Adamson na pawing taglay ang barahang 5-6.
Una rito, sasagupain ng pumapangalawang La Salle Lady Spikers, na may barahang 10-1, ang winless pa rin na University of the East (UE), nasilat sa ika-11 pagkakataon, sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Samantala, sa men’s division, nais namang kumalas ng Adamson sa kasalukuyang pagkakatabla nila ng UST sa ikalawang puwesto sa pagsagupa nila sa winless din na UE Red Warriors (0-11) sa ganap na alas-8:00 ng umaga.
Magsisikap namang tumatag sa ikaapat na posisyon ang defending champion na National University (NU) sa paghaharap nila nang napatalsik ng Far Eastern University (FEU).
Sa kasalukuyan ay kumpleto na ang casting ng men’s semifinals kaya puwestuhan naman ang kanilang paglalabanan papasok sa Final Four na binubuo ng Ateneo (9-2), UST (8-3), Adamson (8-3) at NU (7-4).