Lantaran ang hangarin ng ilang obispo at pari ng Simbahang Katoliko na dapat nang bumaba sa puwesto si Pangulong Noynoy Aquino kasunod ng pagkakapaslang ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF). Ang isa rito ay si Lipa City Bishop Ramon Arguelles, masigasig na kritiko ng Pangulo, na sa harap mismo ni Pope Francis ay kinastigo niya kahit hindi tinukoy ang pangalan.

Marami ring sektor ang labis na nadismaya sa desisyon ni PNoy na sa halip na dumalo sa arrival honors sa Villamor Air Base para sa mga labi ng namatay na miyembro ng SAF, pinili pa niyang dumalo sa inagurasyon ng isang planta ng sasakyan sa Sta. Rosa, Laguna. Hindi kataka-takang galit sila at nais ding mag-resign na lang ang Pangulo. Mismong si ex-Pres. Ramos ang nagpahayag noong Martes na si PNoy ang responsable sa mga aksiyon ni suspended PNP Chief Director General Alan Purisima. May mga ulat na si Purisima ang nasa likod ng pumalpak na operasyon ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao. May report ding si Purisima ay lumipad patungong Saipan para dumalo sa isang okasyon doon.

Samantala, mula sa Bulacan, walang puknat ang diumano ay walang batayang akusasyon laban kay Gov. Willy Sy-Alvarado ng kanyang mga kritiko.Dahil dito, dismayado ang mga kaaanak at pasyente sa Bulacan Medical Center na nasisiyahan sa maayos na pagpapagamot doon ng mga may sakit na Bulakenyo. “Hindi naman bulag ang mga taong tinutulungan na ni Gov. Willy (Alvarado). Hindi namin matanggap kung bakit pati ang pagkalinga sa mga may sakit ay pilit na iniuugnay ng mga kalaban sa pulitika ng aming butihing punong lalawigan”, sabi ng mga pasyente.

Sinampahan kasi ng kaso si Alvarado at iba pang opisyal ng Kapitolyo sa Ombudsman kaugnay ng mga biniling gamot iba pang gamit ng pamahalaang panglalawigan. Sa record ng Bulacan Medical Center ,hindi bababa sa 300 pasyente araw-araw ang dinadala para magamot dito at sa ibang ospital na pinamamahalaan ng pamahalaang panlalawigan na sila ay napagsisilbihan at nagagamot nang libre sa ilalim ng “Point of Care” policy ng Philippine Health Insurance.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ayon sa isang legal officer ng kapitolyo, ang mga alegasyon laban kay Alvarado ay walang basehan dahil ang mga transaksiyon sa pamahalaang panglalawigan ay above board at dumaan sa Commission on Audit (COA). Ano ba kayong mga taga-Bulacan, magkaisa kayo at huwag magsiraan!