Nagbabala ang Commission on Audit (COA) na nakatalaga sa Philippine Sports Commission (PSC) na hindi nila bibigyan ng pondo ang national sports associations (NSA’s) na patuloy na binabalewala ang hinihinging liquidation sa nakuha nilang pondo noong nakaraang taon.

Ito ang sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na aniya’y lubhang makakaapekto ang naging desisyon ng COA sa preparasyon at pagsasanay ng pambansang atleta subalit nasa NSA’s na nakapataw ang responsibilidad at pagsasa-ayos ng kanilang mga pinagkagastusan sa ginamit na pondo ng pamahalaan.

“Dalawa pa lamang ang nakapag-liquidate na NSA’s sa atin,” sabi ni Garcia. “Talagang makakaapekto sa ating kampanya sa SEA Games pero wala tayong magagawa dahil kailangan nating sumunod sa patakaran ng COA dahil pondo iyan ng gobyerno.”

Inaprubahan naman ng PSC Board na nakatakdang magpulong sa Huwebes ang non-compliance, no funding, no travel at no exposure policy sa mga pasaway na NSA’s na patuloy na nagmamatigas upang ipaliwanag ang kanilang unliquidated accounts.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kailangan din na magsumite ang NSA’s ng lehitimong dokumento ng kanilang mga inihalal na opisyales, pagkilala bilang miyembro ng POC, rehistrasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) at sertipikasyon ng kanilang isinagawang eleksiyon.

“We have to follow rules. Matagal na natin sinabi sa NSA’s ang bagong patakaran ng COA dahil hindi naman nila maiayos ang kanilang report sa Malakanyang. Mabuti nang ipaalam natin sa NSA’s kaysa naman tuluyang maalis ang ibibigay na pondo para sa sports natin,” giit ni Garcia.

Una nang naibaba ng PSC sa mahigit na P15 milyon na lamang na mula sa mahigit P100 milyon ang unliquidated accounts ng NSA’s bago pumasok ang 2014 subalit muli na naman itong lumobo sa pagtatapos ng taon bunga ng hindi agad na pagsusumite ng report ng mga asosasyon na binigyan pondo.