IMUS, Cavite – Kumilos ang awtoridad upang protektahan ang mga endangered sea mammal sa karagatan ng Cavite, kasunod ng pagkakatagpo ng mga patay na dolphin at butanding sa Tanza, Rosario at Ternate sa nakalipas na mga taon.
Naniniwala ang ilang opisyal ng Cavite na ang mga patay na mammal, partikular ang mga sugatan, ay biktima ng mga pagtugis ng mga grupo o indibiduwal.
Pinaniniwalaan ng mga observer na hinuhuli at pinapatay ang mga dolphin para sa kanilang karne. Nakasaad din sa isang report na hinuhuli ang mga dolphin para itampok sa mga amusement marine park at aquarium, partikular sa ibang bansa.
Napaulat na hinuhuli ang mga dolphin ng mga grupo o indibiduwal gamit ang lambat at iba pang equipment, kabilang ang mga armas na gaya ng sibat at baril.
KARNE NG DOLPHIN
Napaulat na masarap ang anumang putahe sa karne ng dolphin at mataas ang benta rito sa mga lokal at dayuhang negosyante.
Hindi batid ng marami, gayunman, na hindi ligtas na kainin ang karne ng dolphin dahil napaulat na taglay nito ang mataas na level ng mercury, cadmium at iba pang mapanganib na contaminant.
DOLPHIN HUNTERS
Nitong Enero lang ay isang naghihingalo na babaeng dwarf spinner dolphin, na maraming sugat sa katawan, ang natagpuan ng mga mangingisda sa pampang ng Barangay Wawa II sa Rosario. Namatay din kalaunan ang dolphin dahil sa mga sugat na napaulat na dulot ng matutulis na bagay.
“Matagal nang usap-usapan na maraming dolphin hunter sa karagatan ng munisipalidad na ito,” sabi ni Nestor Llanoza, chairman ng Barangay Isla Bonita sa Rosario.
Noong nakaraang taon, isang patay na dolphin na tadtad ng tama ng baril ang natagpuan sa karagatang malapit sa Tanza, habang isang patay na butanding naman ang nadiskubre noong Disyembre 2011 sa Ternate. Hindi pa rin tukoy hanggang ngayon ang sanhi ng pagkamatay ng mga nasabing mammal.
TINUTUGAYGAYAN
Kaugnay nito, sinabi ng pulisya na magkakasanib-puwersa na ngayon ang lokal na Bantay-Dagat, ang Philippine National Police (PNP)-Maritime Group at Philippine Coast Guard (PCG) sa monitoring ng mga ilegal na fish hunter sa Tanza, Rosario, Noveleta, Kawit, Ternate, Naic, Maragondon, at sa mga lungsod ng Bacoor at Cavite.
Ipinagbabawal ng Fisheries Administrative Order (FAO) 185 ang pagpatay, paghuli at pag-iingat sa mga dolphin at iba pang sea mammal. Bawal din sa RA 8485 (Animal Welfare Act) ang pagpapahirap at maling pagtrato sa mga hayop.