Noong paslit pa lamang kaming magkakapatid, maaga kung gisingin kami ni Inay upang ihanda ang aming sarili sa pagpasok sa eskuwela. Masasabi kong maaga kami kung gisingin sapagkat kasabay ng aming paghahanda ang tilaok ng mga tandang ni Itay sa loob ng aming bakuran. Ganoon ang naging sistema hanggang humantong na ako ng high school.

Ngayon, ina na rin ako at may tinutupad na career sa isang prestihiyosong korporasyon. Sa tuwing bumabangon ako ng alas kuwatro ng madaling araw, laging sumasagi sa aking gunita ang tagpong iyon noong maliit pa ako. Si Inay na maasikaso... ang pupungas-pungas kong mga kuya at ate... ang tilaok ng mga tandang ni Itay – ang mga tagpong hinding-hindi ko na malilimutan habang ako ay nabubuhay.

Ngayon, ako naman ang nanggigising sa aking pamilya; ang binata kong si Clint at esposo kong masisipasok sa trabaho; at si Lorraine na papasok naman sa eskuwela. Wala nga akong naririnig na tilaok ng manok sa Makati City ngunit parang naririnig ko iyon sa paggunita ng mga sandali noong ako ay nasa Dumaguete City, deka-dekada na ang nakalilipas.

At matapos ang isang araw, pagkakain ng hapunan at panonood ng TV, matutulog na ang pamilya ko. Ang aking esposo sa aming silid, si Clint sa sarili niyang kuwarto na ginagawa niyang opisina minsan, at si Lorraine na magulo niyang daigdig na halos mag-aala-una na ng madaling araw kung magpatay ng ilaw dahil sa katetelepono sa kanyang mga amiga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ako ang huling nahihiga dahil marami pa akong inaasikaso bago ako matulog; nariyan ang pagdidilig ng halaman at paghahanda ng ilulutong almusal, ang pagkakandado ng mga pinto at bintana, ang pagsusulat sa sa aking laptop, at kung minsan ay ang pakikipagkuwentuhan kay Lorraine.

Sa marahan kong pagtabi at pagyakap sa himbing kong esposo, ipipikit ko ang aking mga mata nang masaya. Kagyat kong kakausapin ang Diyos, magpapasalamat sa isa na namang alas kuwatro ng madaling araw na Kanyang ipagkakaloob upang aking kapanabikan.