Muling magbabalik ang katuwaan at kasiyahan sa family-oriented, community based grassroots development at physical fitness program ng Laro’t-Saya sa Parke, PLAY N’ LEARN na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City at Burnham Green sa Luneta Park.

Ito ang sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia sa pagpapatuloy ng tatlong taong programa na inendorso ng Palasyo ng Malakanyang para mapangalagaan ang kalusugan at aktibong paglahok ng mamamayan sa iba’t ibang itinuturong libreng sports ng mga miyembro ng pambansang koponan.

“We will be expanding more in the provinces this year,” sinabi ni Garcia. “Mas marami na kasi ang mga probinsiya na humihiling sa atin na isama sa programa dahil nakikita nila mula sa mga naunang nagpatupad ng ating programa ang benepisyo at tulong sa kanilang kalusugan na bitbit ng ating programa.”

Unang inilunsad ang programa noong Pebrero 2012 sa Luneta Park kasabay sa nationwide fun run ng kapwa sangay ng gobyerno na PhilHealth bago lumawak patungo sa pagkakaroon ng 12 mga lugar.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Maliban sa Luneta at Quezon City Circle, muling gaganapin ang programa sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite; New People’s Park sa Bacolod City, Cebu Sports Complex sa Cebu City, Provincial Park sa Iloilo City, Burnham Park sa Baguio City, San Carlos City Park sa Negros Occidental at sa Paranaque.

Sunod na sisimulan ang programa sa Pebrero 6 sa Kawit, Cavite na isasabay sa death anniversary ng unang pangulo ng Pilipinas na si Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang lugar ng Laro’t-Saya sa probinsiya.

Limang iba pang probinsiya ang nakatakdang magsagawa ng programa na pinangungunahan ng bagong kinilalang Seven Wonders of the World na Vigan at ang paboritong dayuhin na Kalibo, Aklan.

Nakatakda ring ilunsad ngayong taon ang programa sa Dumaguete City, Mindoro Oriental at ang tinamaan ng hagupit ng matinding bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban City sa Leyte.

Sinabi ni PSC Research and Planning chief at PSC Laro’t-Saya sa Parke Project Manager Dr. Lauro Domingo Jr. na ang Vigan City ang ika-12 probinsiya habang ang Kalibo, Aklan ang ika-13 lugar na sumali.

“Gusto ni PSC Chairman Garcia na bigyan ng prayoridad ang Tacloban City para makatulong sa mga kabataan doon at iba pa para paunti-unting makalimutan ang trahedyang tumama sa kanila sa pamamagitan ng muling pagbibigay sa kanila ng mga aktibidad sa sports,” sabi ni Domingo.

Ikinatuwa naman ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, gayundin ni Bongabong, Oriental Mindoro Mayor Hercules “Bobot” Umali at Dumaguete City Mayor Manuel “Chiquiting” T. Sagarbarria ang tulong ng PSC para sa pagsasakatuparan ng programa sa kanilang probinsiya. 

“We could reach a total of 15 local government units that will implement our Laro’t-Saya program next year although there are more knocking in our door. Vigan and Aklan supposed to be are scheduled to be launched this year but decided to do it early 2015 so as to complete their year-round program,” giit pa ni Domingo.

Ang Vigan City Laro’t-Saya na inaprubahan ni Mayor Eva Marie Singson Medina ay isasagawa sa dinarayong Heritage Plaza kung saan ay pinapanood ang dancing fountain habang ang Aklan Laro’t-Saya ay itinataguyod naman ni Governor Florencio T. Miraflores.