PATULOY na nagsusulputan ang mga bagong isyu kaugnay sa nagpapatuloy na diskusyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na isinumite na sa Kongreso para sa pagapruba.

Ang huli ay ang isyu ng pag-aangkin ng Pilipinas sa Sabah. Hindi dapat na ito ay balewalain sa panukalang batas, ayon kay Amina Rasul Bernardo, ang lead convenor ng Philippine Council for Islam and Democracy. Matagal nang nananahimik ang Pilpinas sa isyu ng Sabah, hindi nais na buhayin ang usapin ng pakikipag-agawan sa Malaysia na inaangkin ang Sabah bilang bahagi ng kanyang teritoryo. Ngunit ang Sultanate of Sulu and North Borneo, ngayon ay pinamumunuan ni Rajah Muda, ay nagdeklara na balak nitong ipursige ang pag-aangkin sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Patuloy ba nating babalewalain ang usaping ito at isugal na tuluyang mawala sa atin ang Sabah sa hindi pagbanggit dito sa Bangsamoro law?

Isa pang isyu ang nauna nang ipinahayag ni Habib Mujahab Hashim, chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) Islamic Command Council. Sa pagbura sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sinabi niya, tinatalikuran ba ng gobyerno ng Pilipinas ang kanyang Tripoli Agreement sa MNLF, na nilagdaan sa Libya noong 1976, at ang Final Pace Agreement na nilagdaan noong 1996? Kung gayon, babalik ang MNLF sa pakikipagdigma na siya nitong katayuan bago ang dalawang kasunduan.

Maraming iba pang mahahalagang isyu ang maaaring lumutang sa nagpapatuloy na mga pagdinig ng House ad hoc Committee on the Proposed Bangsamoro Basic Law sa pamumuno ni Rep. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro City. Ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revisions of Code, sa pamumuno ni Sen. Miriam Defensor Santiago, ay nakatakdang sumali sa aksiyon ng kongreso sa BBL sa pagpupulong nito ngayon. Dalawa pang mga Senate committee – on Local Government sa pamumuno ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, at on Peace and Unification sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III ay nagtakda ng pagpupulong sa Pebrero.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngunit lumalabas na ang gitnang isyu ay sa constitutionality ng ilan sa mga probisyon ng panukalang batas, partikular na sa national defense and security, police, foreign relations, revenue and wealth sharing, justice system, at legislature sa rehiyon ng Bagsamoro. Anuman ang pinal na maaprubahan ng Kongreso ay nakatakdang iaakyat sa Supreme Court, ang huling arbiter sa isyung constitutional.

Suportado ng nalalabing miyembro ng 1986 Constitutional Commission na nagbalangkas ng ating kasalukuyang Konstitusyon ang panukalang Bangsamoro law, sinabi na ito ay magbibigay-daan sa panahon ng kapayapaan at kasaganaan sa Mindanao. Ngunit kailangan nitong pumasa sa lahat ng pagsubok ng konstitusyon, ayon sa ilang miyembro ng Kongreso, dahil ang depektibong Bangsamoro law ay hindi mawawakasan ang mapait at galit na iringan at hindi nito mawawakasan ang mga labanan.