Napanatili ng defending champion National University (NU) at Adamson University (AdU) ang kanilang pamumuno sa men`s division matapos na magsipagwagi sa kanilang mga katunggali kahapon sa pagsisimula ng second round ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagtala ng 24 puntos na kinabibilangan ng 22 hits ang beteranong si Reuben Inaudito habang nag-ambag naman ng 16 hits, 3 blocks at ace si Edwin Tolentino para pangunahan ang Bulldogs sa pag-ungos sa hard figthing University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25-22, 25-10, 22-25, 22-25, 15-10.
Nag-ambag din ng 15 puntos sa naturang panalo ang rookie na si Fauzi Ismail habang nanguna naman para sa UP na bumaba sa barahang 3-5 (panalo-talo) sina Wendell Miguel at Christian dela Paz na nagposte ng 19 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Kabaligtaran naman ang nangyari sa unang laro kung saan winalis ng Falcons ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers, 25-22, 25-20, 25-22, para makamit ang kanilang ikapitong panalo sa loob ng walong mga laro.
Gaya ng dati, muling namuno para sa Falcons si Michael Sudaria na umiskor ng 15 puntos.
Nagdagdag naman ang kanyang mga kakampi na sina Christopher David at Jerome Sarmiento ng tig-10 puntos.
Samantala, tumapos naman ang leading scorer ng Green Archers na bumaba sa barahang 1-7 sina Ralph Calasin at Cris Dumago na kapwa nagposte ng tig-11 puntos.