Nakabalik na sa Rome si Pope Francis matapos ang kanyang limang araw na pagbisita sa Pilipinas mula Enero 15 hanggang 19, 2015.

Ayon sa Vatican Radio, dakong 5:40 ng hapon ng Lunes sa Italy o 12:40 ng madaling araw ng Martes sa Pilipinas, nang lumapag ang Shepherd One (Philippine Airlines flight PR 8010) sa Rome Ciampino Airport.

Sa panayam ng mga mamamahayag habang nasa biyahe, nagpahayag si Pope Francis ng paghanga sa kakayahan ng mga Pinoy na bumangon mula sa mga pagsubok at pagdurusang dinanas ng mga ito.

Sinabi rin ng Santo Papa na ang pinakamadamdaming sandali ng kanyang pagbisita ay ang pagtungo niya sa Tacloban City kung saan libu-libong mananampalataya ang nagpakita ng pananampalataya matapos ang kanilang trahedyang dinanas dulot ng bagyong Yolanda.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“The most moving moment: for me, the Mass in Tacloban was very moving. Very moving,” anang Santo Papa.

Hindi rin malilimutan ng Santo Papa ang nakita niyang milyun-milyong Pinoy na nagpakita ng suporta at pagmamahal sa kanya. Pinuri niya ang kakayahan ng mga Pinoy na makinig ng misa at magpiyesta, sa kabila ng walang tigil na pagbuhos ng ulan, dahil pagpapakita aniya ito ng kanilang matinding pananampalataya sa Panginoon.

“Regarding the great turnout, I felt annihilated. These were God’s people, and God was present. And the joy of the presence of God which tells us, think on it well, that you are servants of these people, these people are the protagonists,” anang Santo Papa.

TELEGRAMA SA PILIPINAS

Matapos kausapin ang Filipino community sa pamamagitan ng Twitter, nagpadala naman si Pope Francis ng mensahe kay President Benigno Aquino III— sa pamamagitan ng makalumang telegrama— habang siya ay bumibiyahe mula Manila pabalik sa Rome noong Enero 19.

Ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa gobyerno ng Pilipinas at sa lahat ng Pilipino para sa natanggap niyang hospitality sa kanyang apat na araw na pagbisita.

“As I depart from the Philippines, I extend to you, the government and all the people of the nation my heartfelt gratitude for your warm welcome and every kindness shown to me during my visit. I renew to your Excellency and the entire country the assurance of my prayers for peace and prosperity,” sulat niya.

Nagpadala rin siya ng mga telegrama sa mga pinuno ng iba pang bansa habang sakay ng Philippine Airlines’ Airbus A340, ang eroplano na naglipad sa kanya mula Villamor Airbase patungong Italy.

Sa mga head of state ng China, Mongolia, Russia, Belarus, Poland, Czech Republic, Slovakia, Austria, at Slovenia, sinabi niya: “I send cordial greetings to your Excellency as I fly over the country on my way from the Philippines to the Vatican.”

Ang Vatican at ang China ay walang diplomatic relations.

Habang dumaraan siya sa air space ng mga bansang ito, tiniyak niya sa mga mamamayan na ipinananalangin niya ang mga ito, hiniling para sa kanila ang “God’s blessings of peace and prosperity.”

FIRST TIME SA AFRICA

Inanunsiyo rin ni Pope Francis ang nakatakda niyang unang pagbisita sa Africa sa huling bahagi ng taon partikular sa Uganda at sa magulong Central African Republic.

“I think it will be towards the end of the year because of the weather,” sabi ng papa, matapos ang isang linggong pagbisita sa Asia, na nagtala ng kasaysayan sa pinakamaraming taong nagtipon partikular sa Quirino Granstand sa Manila.

“The trip has been a bit delayed due to Ebola. It’s a great responsibility,” dagdag niya.

Kinumpirma rin ng Argentinian pope, ang unang papa mula sa Latin America, ang plano niyang bumiyahe sa Ecuador, Bolivia at Paraguay sa Hulyo.