ANO ang pinakamahalagang bagay na itinuro sa iyo ng iyong mga magulang simula nang magkaroon ka ng pang-unawa? Ang tumingin sa kanan at kaliwa bago ka tumawid sa kalye? Ang makipagkaibigan? Ang maglinis ng bahay, ng isda, ng pusit? Ang magkatay ng manok? Ang magbasa ng abakada? Ang gumalang sa nakatatanda? May nakita ka bang magandang halimbawa na kumintal sa iyong isipan na taglay mo magpahanggang ngayon mula sa iyong pagkabata? O natuto ka na lang nang mag-isa dahil sa nakikita mo sa iyong mga kaibigan at mga kaklase?
Ang lahat ng bagay na na itinuturo ng mga magulang sa anak ay mahalaga. Napakabait ng Diyos sa atin kung kaya binigyan Niya tayo ng mga magulang na handang magturo sa ating ng lahat ng kailangan nating malaman upang magsilbing ating gabay habang naglalakbay tayo sa mundong ito.
Ngunit may isang bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak, isang bagay na nais ng Diyos na matutuhan ng mga anak kaysa ano pa mang bagay: ang matutong magtiwala sa Diyos.
Nais ng Diyos na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magtiwala sa Diyos kaysa kahit kanino. Hindi maaaring puwersahin ng mga magulang ang kanilang mga anak na magtiwala sa Diyos, ngunit maaari nilang ituro sa kanila ang tungkol doon. Minsan, ang pagkatuto ay nagmumula sa direktang pagpapanuto – tinatalakay sa mga anak ang iba’t ibang aspeto ng ating pananampalataya. At mahalaga rin na pag-aralan ang Mabuting Aklat - ang mga Salita ng Diyos – at ang kahulugan ng pagtitiwala sa Diyos. Ngunit ang pinakamainam na paraan ng pagtuturo sa mga anak tungkol sa pagtitiwala sa Diyos ay sa pamamagitan ng halimbawa.
Pinakamainam na paraan para sa mga magulang ang magturo sa mga anak sa pamamagitan ng pagtitiwala nila mismo sa Diyos at sa pagtanggap sa halip na tanggihan ang mga oportunidad na magtiwala sa Diyos sa makabagong paraan.