Mahigit apat na dekada, kasunod ng makasaysayang unbeaten run sa 1973 FIBA-Asia Championship, matatanggap ng Philippine men’s basketball team ang pagkilalang nararapat para sa kanila.
Ang koponan na pinangungunahan ng living legends na sina Robert Jaworksi Sr. at Ramon Fernadez ay nakatakdang bigyan ng Lifetime Achievement Award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa pagdaraos ng Annual Awards Night na handog ng MILO sa susunod na buwan.
Iginiya ng yumao nang si Valentin “Tito” Eduque ang koponan ang huling “all pure” Filipino squad na naghari sa biennial meet kasunod ng perpektong 10-0 pagragasa sa torneo na idinaos sa bansa mula Disyembre 1-15.
Napanalunan ng mga Pilipino ang titulo sa paggapi kay Shin Dong-pa at Korea sa final game, 90-78, upang makakuha ng puwesto sa 1974 FIBA World Cup sa Puerto Rico. Ang ibang miyembro ng koponan ay sina William “Bogs” Adornado, Abet Guidaben, Jimmy Mariano, Francis Arnaiz, Yoyong Martirez, Manny Paner, Joy Cleofas, Big Boy Reynose, Rogelio “Tembong” Melencio, at Dave Regullano.
Ang 1973 team ay nagsilbing modelo ng Gilas Pilipinas na nakuha ang isang puwesto sa FIBA World Cup sa Spain noong nakaraang taon kasunod ng kanilang runner-up finish sa pagbabalik ng FIBA-Asia meet sa bansa dalawang taon na ang nakararaan.
“Before Gilas, there’s the 1973 Philippine men’s team which did us all proud by winning the FIBA-Asia Championship right in front of basketball-loving Filipino fans. It is only fitting then for the entire team to be recognized by the PSA as the recipient of the Lifetime Achievement Award during its Annual Awards Night,” pahayag ni PSA president Jun Lomibao, sports editor ng Business Mirror.
Ang koponan ang pinakahuli na mabibigyan ng award ng pinakamatandang media organization sa bansa.
Ang naparangalan noong isang taon ng prestihiyosong pagkilala sa taunang seremonya na katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Basketball Association (PBA), Globalport, at Rain or Shine, ay ang maalamat na basketball player na si Carlos “Caloy” Loyzaga, dating International Olympic Committee (IOC) representative na si Francisco “Frank” Elizalde, at one-time FIBA Asia secretary-general Mauricio “Moying” Martelino.
Inaasahang makikihati sa limelight, kasama ang 1973 PH men’s team, ay ang tatanggap ng Athlete of the Year trophy na pinaglalabanan ng tatlong sportsmen na mula sa iba’t ibang disiplina. Ang maikling listahan ng mga kandidato para sa award ay kinabibilangan nina Daniel Caluag ng cycling, Donnie Nietes ng professional boxing, at Gabriel Moreno ng archery.
Napanalunan ni Caluag para sa Pilipinas ang nag-iisang gold medal sa BMX sa Incheon 17th Asian Games noong Oktubre, nalampasan naman ni Nietes ang rekord na naitala ni Gabriel “Flash” Elorde bilang longest reigning Filipino world champion, habang nanalo si Moreno ng ginto sa mixed team event ng archery sa Youth Olympic Games katambal si Li Jiaman ng China.
Ipamimigay din ang major awards at citations sa mga atleta at organisasyon na nagbigay ng dangal sa bansa noong nagdaang taon.
Nasa ika-66 taon na, igagawad din ng PSA ang President’s Award, gayundin ang Executive of the Year, National Sports Association of the Year, ang Tony Siddayao Awards para sa mga natatanging atletang edad 17 anyos pababa, Lifetime Achievement Award, Sports Patron of the Year, Posthumous, at Milo Outstanding Athletes (boys at girls).