Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang suspensiyon si Supt. Leonardo Felonia, na itinuturong utak sa pagpatay sa negosyanteng si Richard King sa Davao City noong Hunyo 12.
Sa limang-pahinang utos, inatasan ni Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Offices (MOLEO) Cyril Ramos ang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at hepe ng Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang suspensiyon kay Felonia, na nakatalaga sa PNP Regional Intelligence Unit sa Ecoland, Davao City.
Nakasaad sa direktiba ni Ramos na binaril at napatay si King ni Paul Dave Molina Laban sa loob ng tanggapan ng biktima sa Davao City.
Matapos maaresto ng awtoridad, inamin ni Laban at mga kasamahan nitong sina Rommel de la Cerna at Rodel de la Cerna na si Felonia ang nagplano sa pagpatay kay King.
Ayon kay Ramos, layunin ng suspension order na maiwasang maipluwensiyahan ni Felonia ang imbestigasyon gamit ang kanyang posisyon bilang hepe ng regional intelligence unit, tulad ng posibleng pananakot sa mga testigo o pakialaman ang mga ebidensiya sa kaso.
Si Felonia ay nahaharap sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming a police officer sa Ombudsman. (Jun Ramirez)