Ano ba ang tunog ng “crying bading”?

Ito ang uri ng paputok na puntirya ngayon ng Philippine National Police (PNP) dahil itinuturing itong mapanganib sa publiko sa pagsalubong sa Bagong Taon.

“Kabilang ito sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok dahil lagpas ang dami ng pulbura na nilalaman nito sa itinakda ng batas,” ayon kay Senior Supt. John Bulalacao, pinuno ng PNP Firearms and Explosives Office Management Division.

Base sa itinakdang regulasyon ng PNP, ang mga paputok na may net explosive na higit sa 0.2 gramo, o katumbas ng 1/3 kutsara, ay ipinagbabawal.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sinabi ni Bulalacao na masyadong mapanganib ang “crying bading” dahil maaari itong magsanhi ng pagkaputol ng ano mang bahagi ng katawan o kaya’y makamatay ng tao dahil sa sobrang dami ng pulbura.

Upang makaakit ng pansin sa publiko at bumenta, maraming gumagawa ng mga paputok at pailaw ang nag-iisip ng kakaibang bansag para sa kanilang produkto, tulad ng “Crying Bading,” “Super Lolo,” “Goodbye Napoles,” at iba pa.

Mayroon ding malalakas na paputok na binansagang “Yolanda,” na ipinangalan sa super typhoon na nanalasa sa Eastern Visayas noong Nobyembre 2013.

Tiniyak naman ni Bulalacao na paiigtingin ng pulisya ang kampanya laban sa ilegal na paputok upang maiwasan ang sakuna sa mga magdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taon. (Aaron Recuenco)