Nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Martes ang P2.606 trilyong national budget para sa 2015. Ito, ayon sa Pangulo, PDAF-free o walang nakasingit na pork barrel at DAP (Development Acceleration Program) na inabuso ng mga mambabatas at pinunong-bayan kasabwat diumano si Reyna Janet Lim-Napoles. Sana nga ay walang nang bilyun-bilyong pisong PDAF at DAP na galing sa naghihirap na mamamayan.
Matindi ang akusasyon at kontra-akusasyon ng US at North Korea tungkol sa insidente ng “hacking” sa Sony movie na may pamagat na “Interview” na kagagawan daw ng Nokor. Nagalit yata ang liderato ng Nokor dahil iniinsulto raw ang supreme leader nilang si Kim Jong-Un. Ginantihan daw ng US ang North Korea ng kontra-hacking kaya dumanas ang “hermit nation” ng 9 oras na Internet outage. Pinagbintangan ng Nokor ang US na nasa likod ng cyber attack na puminsala sa kanilang websites.
Mabait si Pope Francis, pero mabagsik pala siya sa pagpuna sa mga kamalian ng Vatican bureaucracy at ng Curia na nangangasiwa sa lahat ng aktibidad sa Holy See. Inakusahan niya ang mga cardinal, obispo at pari noong Lunes sa kanyang Christmas message sa Sala Clementina sa paggamit ng puwesto para mangamkam ng poder at kayamanan, pamumuhay ng doble-kara, at pagkalimot na sila ay naroroon upang maglingkod sa Diyos. Binanatan niya ang Curia, ang central administration ng Holy See, na nangangasiwa sa 1.2 bilyong Katoliko sa mundo. Inilarawan niya ang Vatican na pinaghaharian ng “existential schizophrenia”, “social exhibitionism”, “spiritual alzheimer’s” at pagkaganid sa kapangyarihan. Parang mga bato ang mga cardinal na pinatutungkulan ng Papa.
Inilahad din ni Lolo Kiko ang 15 mortal sins ng mga cardinal at obispo, laluna ang nakatalaga sa Curia, kabilang ang pagkagahaman, egoism, siraan-intrigahan at pag-aakalang sila ay immortal. Inamuki niya ang mga lider sa Vatican na magtungo sa sementeryo upang mag-isip na lahat ng tao ay pumapanaw, at sa pagbabalik sa loob ng simbahan ay magsisi at mangumpisal ng mga kasalanan.