Magkakasukatan ng resistensiya at husay sa pagsayaw ang mga kababaihan at kalalakihan sa pagsabak ngayong hapon sa Zumba Marathon ng Laro’t-Saya sa Parke, PLAY N’LEARN na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Kawit, Cavite.

Inaasahang aapaw ang Aguinaldo Shrine and Freedom Park kahit pa nilimitahan ng mga nag-organisa ang mga kalahok sa 300 katao lamang matapos na agad magparehistro para sa huling aktibidad sa taon na ito na ang programa ay inendorso ng Palasyo ng Malakanyang.

“We were force na gawing first come, first serve ang registration,” sinabi ni PSC Research and Planning head at Laro’t-Saya Project Manager Dr. Larry Domingo Jr.

“Sumobra na sa required number natin ang nagparehistro at hindi natin puwede isaalang-alang ang safety ng mga kasali at iyong mga manonood,” giit pa ni Domingo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Magkakaroon muna ng dry-run sa ganap na alas-6:00 hanggang alas-7:00 ng umaga sa regular na pagsasagawa ng programa bago ganapin ang unang Zumba Marathon sa Kawit sa ganap na alas-5:30 ng hapon na magtatapos hanggang alas-8:00 ng gabi.

Susundan ang Zumba Marathon ng mga tampok na aktibidad na pangungunahan ni Kawit Mayor Reynaldo “Tik’ Aguinaldo at Vice-Mayor at Kawit Laro’t-Saya In-charge Paul Abaya.

Isasagawa naman bukas (Linggo) ang Zumba Marathon sa Burnham Green sa Luneta Park na nilimitahan din sa 500 katao.

Magkakaroon din ng football at volleyball challenge kung saan ay tampok ang mga kabataang regular na dumadalo sa Luneta na sasagupa sa mga manlalaro ng Cavite.

“Ang safety ng participants at maging iyong place na pagsasagawaan ang foremost consideration natin kaya hindi natin puwedeng damihan,” saad ni Domingo. “We are both over the limit for Zumbathon sa Kawit at Luneta kaya we have to make it a first come, first serve basis pero priority iyong nakapag-register na before the contest.”

Itinakda ang dalawang kategorya na 18-40 years old at 41-55 years kung saan ay may mapapanalunang premyo ang Top 5.

May iuuwing premyo rin ang mapipili sa special awards na Best in Costume at Wackiest Dancer maliban pa sa magbibigay ng 50 raffle prizes.

Isasabay ang football at volleyball challenge sa Zumbathon na sisimulan sa ganap na alas-5:30 hanggang alas-8:00 ng umaga kung saan nakataya ang kabuuang P24,000 cash prize.

Nakalaan naman ang P3,500 premyo sa soccer na tampok ang apat na koponan na mula sa Laro’t Saya sa Luneta at P3,500 din sa volleyfest na paglalabanan ng tig-dalawang koponan na mula sa Kawit, Cavite at Luneta Park.

“This is a culminating activity natin para doon sa nagpapartisipa sa ating program sa buong taon,” dagdag ni Domingo.

Nakalaan ang premyong P2,000 sa top winners sa 18-40 at 41-55 age brackets para sa male at female divisions habang may tig-P1,500 sa ikalawa at tig-P1,000 sa ikatlo. Mayroon ding P500 sa bawat isa para sa ikaapat at ikalimang mapipili sa Zumbathon.

Ang Best in Costumes at Wackiest Dancers ay may P500 habang mag-uuwi ng P2,000, P1,000 at P500 naman ang top three football at volleyball teams.

Isinagawa na rin ang PSC Laro’t-Saya, PLAY N’LEARN sa ika-11 probinsiya na San Carlos City, Negros Occidental na binuksan mismo ni PSC Chairman Richie Garcia at City Mayor Gerardo Valmayor.