MAG-USAP TAYO ● Sa pagbisita ni Pope Francis, may nakapagsabi na makikipagkita siya sa mga miyembro at kinatawan ng iba’t ibang relihiyon sa bansa, isusulong ang kanyang mensahe ng kapatiran upang labanan ang mga hidwaan sa pananampalataya. Pangungunahan ng Papa ang isang diyalogo sa dean ng pinakamalaking Islamic studies center sa Pilipinas at isang Buddhist leader na nakabase sa Taiwan, at iba pang leader ng mga rehiiyong nakabase sa ibang bansa, ayon sa organizing committee ng papal visit.
Idaraos ito sa University of Santo Tomas sa Manila kung saan makakadaupang-palad din ng Papa ang mahigit 250,000 kabataan. Sana sa tulong ng Diyos, mahimok ng Papa ang iba pang relihiyon na pairalin ang “Mercy and Compassion” sa lahat ng tao, maging ano man ang kinabibilangan nitong pananampalataya.
***
AKO ANG NAHIHIYA ● Nagpahayag kamakailan si Jackie Chan, Hong Kong actor, ng pagkadismaya at kahihiyan sa isang news agency sa naturang bansa nang isakdal ng mga awtoridad sa Beijing ang kanyang anak na si Jaycee Chan, 32 anyos, dahil sa paggamit ng droga na maaaring makulong nang tatlong taon. Nakakahiya nga ang eskandalong ito para kay Jackie dahil siya ang anti-drug ambassador ng Beijing noon pang 2009. Nilinaw ni Jackie sa news agency na hindi siya nakialam o inimpluwensiyahan o gumamit ng ibang makapangyarihang opisyal ang mga humahawak ng kaso at umaasa nga siya na ang kanyang anak, na isang singer at aktor din, ay magiging anti-drug ambassador kapag nakalaya na ito. Miyembro kasi si Jacie ng nangungunang political advisory panel ng China, ang Chinese People’s Political Consultative Conference. Kinuwelyuhan ng mga awtoridad si Jaycee noong Agosto sa apartment nito sa Beijing kasama ang isa pang artistang si Ko Kai. Nagpositibo ang dalawa sa paggamit ng marijuana at umaming dumamit ng ipinagbabawal na gamot; nasamsaman din ng ilang gramo nito. Pinalaya rin si Ko Kai matapos ang 14 na araw ngunit mananatiling nakakulong si Jaycee na nagsimula noong Agosto sapagkat haharap ito sa mas malalang kaso. Naghihigpit ang China sa kanilang mga mamamayan, at isinusulong ito ng Pangulong Xi Jinping na nag-atas na parurusahan ang mga lalabag sa batas ukol sa ipinagbabawal na droga. Tinatarget ng mga awtoridad ang mga artista at mga singer dahil sa impluwensiya ng mga ito sa kabataan. May nakapagsabi na nagkulang sa pangangaral si Jackie kay Jaycee, ngunit ang masasabi ko lang, hindi mo maaaring utusan ang utak kung ayaw kumilos ng katawan.