Suspendido ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) simula sa Disyembre 23 hanggang sa Enero 4, 2015.
Sa pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino, kanselado ng 13 araw ang number coding scheme simula bukas upang bigyang-daan ang bulto ng magsisiuwian sa kani-kanilang probinsiya para roon magdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Pinaghahandaan din ng MMDA ang pagbabalik sa Metro Manila ng nagsiuwian sa lalawigan na inaasahang dadagsa sa Enero 3-4, Sabado at Linggo.
Sinabi pa ni Tolentino na dapat nang asahan ang higit na pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing lansangan simula sa Martes bunsod ng suspensiyon ng number coding.
Una nang nagpakalat ang MMDA ng 400 traffic enforcer para magmando ng trapiko at alalayan ang mga motorista.