Nabigo man na maging host ng Palarong Pambansa, isang prestihiyosong torneo para rin sa kabataang atleta ang isasagawa ng Koronadal, South Cotabato sa pagho-host nito sa pinakaunang yugto na Mindanao qualifying leg ng Batang Pinoy sa taong 2015.
Sinabi ni Batang Pinoy commissioner-in-charge Atty. Jose Luis Gomez na ang 2015 Batang Pinoy Mindanao leg ang isa sa magiging sentro ng aktibidad sa selebrasyon ng Koronadal ng ika-75 taong anibersaryo ng pagkakatayo bilang isa sa mga pangunahing siyudad ng bansa.
“You know one of the advantages why Tagum City won in the bid to host the 2015 Palarong Pambansa is because of their readiness to handle a big event which they learned from hosting Batang Pinoy. Now, Koronadal will be hosting the Batang Pinoy as part of their preparation to host big sporting events,” sabi ni Gomez.
“Koronadal will be celebrating their 75th Founding anniversary next year and they want to have Batang Pinoy as one of the centerpiece activity,” sabi pa ni Gomez.
Maliban sa Koronadal City, kasalukuyan pang nakikipag-usap si Gomez at ang nag-oorganisang Philippine Sports Commission (PSC) sa dalawa pang probinsiya o siyudad na nagnanais na mag-host sa Visayas qualifying leg at sa panghuling Luzon qualifying leg.
“We are already talking to Cebu to be the host of the Batang Pinoy National Finals. However, we are still on the look of other cities that are more than willing to host the championships next year,” paliwanag ni Gomez.
Katatapos lamang isagawa ng 2014 Batang Pinoy National Finals sa ikalawang sunod na paghohost ng Bacolod City kung saan ilang kabataang atleta ang narekruta upang maging iskolar sa kolehiyo.
Nagwagi naman bilang overall champion sa kauna-unahang pagkakataon ang tinaguriang Queen City of the South na Cebu City.