Walong katao, kabilang ang isang buntis, ang namatay at pitong iba pa ang nasugatan makaraang makasalpukan ng Nissan Urvan na sinasakyan ng mga biktima ang Ford Everest ni Lanao del Sur 2nd District Rep. Jun Macarambon sa Barangay Rizal-Poblacion sa Banga, South Cotabato, noong Biyernes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Banga Municipal Police, nangyari ang aksidente dakong 2:30 ng hapon sa Crossing Kipot sa Bgy. Rizal-Poblacion.

Lima sa walong nasawi ay kinilalang sina Rene Tablazon, driver ng van; Abdul Makoy Dimaligdig, kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH); Gladys Flang, buntis, ng Lake Sebu, South Cotabato; May Joy Seresola Panes, 57, negosyante; at Lulie Mae Panes, 23, nurse, kapwa taga-Agan East Subdivision, Koronadal City.

Kabilang din sa namatay ang isang bata na hindi pa nakikilala at inilagak sa Puneraria Cordero, habang sa Southern Funeral Homes naman dinala ang dalawa pang bangkay.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Kinilala naman ang mga nasugatan na sina Akhmad Alunto Macarambon, 44, may asawa, anak ni Congressman Macarambon at taga-Mantao, Lanao del Sur; Khasim Sambiano Dalidig, 60, may asawa, inhinyero, ng Victory Homes; Mae Noblita, ng Isulan, Sultan Kudarat; Rodelyn Noblita Amara, kapwa taga-Isulan, Sultan Kudarat; at Laurence Jane Tampil, ng Mabuhay, General Santos City. Sugatan din ang mag-asawang Jovin at Lorna Necor, gayundin ang anak nilang si Rose May Necor, pawang ng Bgy. Lakunon, T’boli, na sa intensive care unit ng Cotabato Provincial Hospital.

Kinumpirma ni Chief Insp. Benito Verona, hepe ng Banga Municipal Police, na ang van (MVV-270) ay pag-aari ng isang Andres Borinaga, habang kay Congressman Macarambon naman ang Ford Everest.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, malakas ang ulan at madulas ang daan nang mangyari ang aksidente.

Tumilapon pa ang Ford Everest sa palayan, may pitong metro ang layo mula sa national highway, na roon nangyari ang banggaan.