CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Napaulat na magtatayo ng P50-bilyon halaga ng piitan ang gobyerno sa Laur, Nueva Ecija para sa mga nahatulan mula sa Luzon.
Ito ang inihayag ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima makaraan niyang kumpirmahin nitong Disyembre 12 ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bureau of Corrections Act of 2013.
Nabatid na ang nasabing pasilidad ay itatayo sa loob ng tatlong taon sa Laur, at dito ililipat ang mga nahatulan sa Metro Manila para bigyang-daan ang commercial development ng mga lupain ng gobyerno sa Muntinlupa City, partikular ang New Bilibid Prisons (NBP).
Sinabi pa ni De Lima na dahil dito ay maiibsan na ang pagsisikip sa loob mismo ng Bilibid.