Dinispatsa kahapon ng Lyceum of the Philippines University (LPU) sa men`s division ang Mapua, 25-17, 26-28, 25-20, 25-21, sa pagpapatuloy ng NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Nakaungos ang Pirates sa Stags sa kanilang pag-angat sa barahang 3-4 (panalo-talo) tungo sa pagkapit sa ikalimang pwesto habang bumaba naman ang Cardinals (3-5).
Nagposte ng 21 at 19 puntos sina Aram Abrencillo at Joewrad Presnede para pangunahan ang Pirates sa naturang panalo at sapawan ang naitalang game-high 24 puntos ni Philip Bagalay ng Cardinals na kinabibilangan ng 21 hits at 3 service aces.
Sa kababaihan, nanatili namang walang talo ang namumunong event host na Arellano University (AU) matapos na iposte ang kanilang ikapitong sunod na panalo sa pamamagitan ng came-from behind 29-31, 21-25, 25-18, 25-22, 23-21 panalo kontra sa College of St. Benilde (CSB).
Nag-step-up si Menchie Tubiera upang pamunuan ang Lady Chiefs habang lumaro ng malamya dahil sa iniindang sakit ang kanilang ace hitter na si CJ Rosario.
Hindi sinayang ni Tubiera ang kanyang nakuhang playing time at nagsalansan ng career-high na 35 hits na ang karamihan ay ginawa niya sa huling tatlong sets upang pangunahan ang pagbalikwas ng Lady Chiefs.
Sa unang dalawang sets lamang nakapaglaro si Rosario na mayroong lagnat at nakatapos na mayroon lamang 4 na hits.
Namuno naman sa Lady Blazers, na nalaglag sa barahang 5-2 (panalo-talo), sina Jannine Navarro at Jeanette Panaga na nagposte ng 24 at 22 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, sa isa pang laro, nakamit naman ng Emilio Aguinaldo College (EAC) Lady Generals ang ikatlo nilang panalo sa loob ng walong laro makaraang pataubin ang winless pa rin na Letran College Lady Knights sa isang dikdikang 4-sets, 25-16, 25-17, 20-26-5, 26-24.
Nagtala si Charmille Belleza ng 17 hits at 3 aces tungo sa kabuuang 20 puntos upang pamunuan ang nabanggit na panalo ng EAC.