Sa pagkakalantad ng mga alingasngas sa New Bilibid Prison (NBP), lalong umigting ang panawagan na kailangan na ang puspusang reporma sa Bureau of Corrections (BuCoR). At lalong nararapat ang malawakang rehabilitasyon sa mga bilanggo hindi lamang sa NBP kundi maging sa buong kapuluan. Kaakibat nito, nalantad din ang talamak na pagpapabaya ng mga opisyal ng mga kulungan at sa mismong mga preso.

Tulad ngayong iniutos ni Secretary leila De lima ng Department of Justice ang two-storey house at swimming pool sa NBP, sino ang hindi maniniwala sa kapabayaan ng mga namumuno, noon at ngayon, ng naturang bilangguan? Nakalampas ang konstruksiyon nito – o talagang pinahintulutan – ng naturang mga pinuno upang maghari ang kagustuhan ng mga preso, lalo na ng tinaguriang mga high profile inmates? Hindi ba maliwanag na ang nabanggit na mga NBP officials ay bulag, bingi at pipi sa kanilang pamamahala? Marami nang pagkakataon na iniulat na ang ilan sa ating mga kapatid na bilanggo ay namamayagpag sa paglabag sa reglamento ng NBP. Isipin na lamang na ang isang preso ay nakalalabas at halos magbakasyon sa mga lugar na nais nilang patunguhan? ano ba ang katumbas nito upang sila ay pagkalooban ng gayong pribelehiyo na isang maliwanag na halimbawa ng kasumpa-sumpang diskriminasyon? Inireklamo rin at pinaimbestigahan ang sinasabing pagpapagawa rin ng mga kubo at sleeping quarters sa NBP na ang iba ay kumpleto sa mga kagamitang tulad ng air-conditioners, refrigerators, television at iba pa. Hindi ko matiyak kung saan na nakarating ang naturang isyu.

Anupa’t ang kailangan ngayon ay puspusang pagbabago at rehabilitasyon sa mga bilangguan. Kabilang na rito ang mismong mga opisyal at tauhan ng NBP at ng iba pang bilangguan. Kung kailangang sila ay bigyan ng dagdag na mga benepisyo, dapat lamang. Marapat lamang tiyakin na sila ay laging nagpapahalaga sa maayos ng pagtupad ng tungkulin.

Ang rehabilitasyon sa mga presyo ay napapanahon na rin upang sila ay maging huwaran sa lipunan sa kanilang paglaya.
National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko