Halos abot kamay na ni 2014 Incheon Asian Games silver medalist Charly Suarez na maging unang Filipino athlete na tutuntong sa Olympics kung saan ay pinagtutuunan niya na makuwalipika sa unang pagkakataon sa kada apat na taong Games na gaganapin sa 2016 Rio De Janeiro sa Brazil.

Napag-alaman kay Alliance of Boxing Association in the Philippines (ABAP) head coach Pat Gaspi at mismong sa 26-anyos na si Suarez na kailangan nilang ipanalo ang dalawang laban sa ginaganap na AIBA Professional Boxing Tournament upang masungkit ang silya sa Rio De Janeiro Olympics.

“Krusyal ang laban niya sa Disyembre 20 dahil kapag nanalo siya doon ay sigurado na siya na magiging number one sa weight division niya pata makuwalipika sa kanya sa Rio Olympics,” sinabi ni Gaspi.

“Mayroon pa naman po na dalawang qualifying pa na Asian Continental Championships at World Open sa susunod na taon pero mas gusto ko po sana na makapaghanda na ako habang maaga,” pahayag naman ni Suarez.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Matatandaan na naiuwi ng lightweight na si Suarez ang pilak sa nakaraang 2014 Asian Games sa Incheon, Korea, gayundin sa ginanap na President Cup sa Almaty, Kazakhstan. Nagwagi ito ng ginto sa Southeast Asian Games noong 2011 at pilak sa President’s Cup sa light flyweight na kapwa ginawa sa Jakarta, Indonesia.

Huli namang nabigo ang lightweight na si Suarez at light flyweight na si Mark Anthony Barriga sa kanilang ikalawang laban sa olympic qualifying na AIBA Professional Boxing (APB) tournament.

Natalo sa puntos si Suarez sa nakasagupang bronze medalist at numero uno na si Berik Abdrahkmanov ng host Kazakhstan, 56-58, 55-59 at 56-58.

Ang London Olympian na si Barriga ay nabigo din kontra kay Carlos Quipo ng Ecuador, 55-59, 55-59 at 55-59 sa 48 kilograms.

Kapwa nahulog sina Suarez at Barriga sa losers bracket na bitbit ang 1-1 (panalo-talo) rekord.

Umaasa naman si ABAP Executive Director Ed Picson na malaki pa rin ang pag-asa ng dalawa kung magagawang magwagi sa kanilang huling dalawang laban.

Ang torneo ay eksklusibo para sa pangunahing walong boxer sa mundo sa bawat weight category kung saan ang tatanghaling kampeon ay awtomatikong makukuha ang silya sa Olimpiada.

Maliban sa APB, ang mga boksingero ay maari ding makuwalipika sa Olympics sa pamamagitan ng pagiging kampeon sa World Series of Boxing, World Championships at Continental qualifiers.