BAGO KA LUMAYAS ● Ngayong napabalitang pinalalayas na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga kumpanya ng langis sa Pandacan, Manila, ano kaya ang mangyayari sa lugar na maiiwan? Pinakukuha ng Environmental Compliance Certificate (EDD) ang mga kumpanyang nasa Pandacan Oil Depot bago nito lisanin ang lugar. Ayon sa DENR, kailangan daw magsumite ng environmental impact study at kasama rito ang plano nilang gawin sa lugar na iiwan pati na ang gagawin nilang hakbang upang maiwasan ang kontaminasyon sa lugar habang isinasagawa ang relokasyon. Mahalaga kasing matiyak na walang kontaminasyon ng anumang kemikal o langis ang lugar na maaaring makaapekto sa susunod na gagamit sa lugar. At kung kontaminado nga ang lugar ng nasabing mga elemento, dapat nitong remedyuhan.
Dapat ding umayon ang mga developer sa mga pamantayan ng malinis na hagngin, malinis na tubig at pangangasiwa ng hazardous wastes. Kabilang sa tinukoy na mga kumpanya ng langis ang Chevron Philippines Inc., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Petron Corp. Ayon sa korte, labag sa Konstitusyon ang inilabas na city ordinance ng Maynila na nagdedeklara bilang heavy industrial zone ang lugar. Kapag nangyari ito, mawawala kahit paano ang pangamba ng maraming residente sa maaaring malaking kapinsalaan na idudulot ng aksidente sa loob ng Oil Depot.
***
IT’S HIGH TIME ● May nag-ulat na walong estado sa Amerika ang malamang na gawing legal ang paggamit ng marijuana. May nagsusulong ng legalisasyon ng MJ hindi lamang sa iilang estado kundi sa buong US of A. Gayong batid naman ng mga kinauukulan na hindi mangyayari ito nang walang debatehan, marami ang nananatiling optimistiko na magkakaroon ng mga sistema sa pagpapabrika, pagbebenta, at pagmemerkado ng drogang ito. Tiyak na magkakaroon ng maraming problema ngunit madali namang maresolba. Ang panawagan sa legalisasyon ng MJ ay lalo nang lumalakas. Ang Colorado ang unang nagpatupad ng mga batas para sa legal na MJ, sumunod ang Washington na nagbukas ng kanilang mga pinto para sa recreational pot stores. Naki-jammig na rin ang Alaska at Oregon na nag-apruba ng legalisasyon at regulasyon ng MJ na kahalintulad ng mga regulasyon sa alak para sa edad mula 21 at pinahihintulutan nang ikonsumo sa sarili nilang tahanan. Ano kayang bansa ang makiki-jamming?