AYAW nating binabatikos tayo. Pero kung gusto mong magtago habambuhay, hindi ka patatahimikin ng mga pagbatikos balang araw. Ang pangamba ng hapdi na dulot ng mga pagbatikos ay maaring magdulot ng pakiramdam na nanliliit tayo kung saan hindi natin magamit ang buo nating potensiyal at parang nakakulong tayo sa sarili nating daigdig. Kakailanganin ang mga kritiko upang malaman natin kung saan tayo nagkulang o dapat pang paghusayan upang makapamunga tayo ng pinakamainam.
Ang matuto kung paano titiisin ang mga kritisismo o pagbatikos o pagpuna, ay maaaring isa sa pinakamahalagang kakayan na kailangan upang magtagumpay sa kahit na anong larangan.
Narito ang ilang tips upang makatulong sa iyo kung paano magkaroon ng “makapal na mukha” – ang abilidad na huwag pansinin ang personal na kritisismo:
- Maghanap ng isang huwaran. – Gayong mas madaling paniwalaan na kapag binabatikos ka, may ginawa kang kamalian o hindi lapat sa mga panuto o batas. Ngunit sa totoo lang, kapag binabatikos ka, tanda iyon na mahalaga ang iyong ginagawa. Kapag tumanggap ka ng negatibong tugon, nangangahulugan niyon na may tinamaan kang sensitibong ugat; nagbibigay sa iyo ng hudyat iyon tungkol sa isang bagay na naguudyok sa tao kung bakit binatikos ka nito. Tingnan mo na lamang ang ilan sa ating mga opisyal sa gobyerno o barangay o paaralan, tone-toneladang batikos ang tinatanggap nila. Maaaring hindi natin gusto ang kanilang mga ginagawa o kung ano ang kanilang pinaninindigan, ngunit totoong naapektuhan nila ang mga tao na bumabatikos sa kanila. Ang ilan sa mga opisyal na ito ay nagpapatuloy pa rin sa paglilingkod sa kabila ng pambabato sa kanila ng mga batikos.
Ang pagkakaroon ng isang huwaran ng makapal na mukha ay makatutulong sa iyo na sumulong o ipagpatuloy ang iyong ginagawa habang tinatangka ng iyong mga tagapagbatikos na ibagsak ka. Kaya magkaroon ka ng isang role model na hinahangaan mo sa pagkakaroon ng makapal na mukha.
Bukas uli.