Ipinagdiriwang ngayon ang ika-151 kaarawan ni Andres Bonifacio, ang bayani ng mga dukha at manggagawa. Walang duda, si Bonifacio ay isa ring pambansang bayani, ngunit hindi sila dapat pagkumparahin ni Dr. Jose Rizal. May kanya-kanyang katangian ang bawat isa at hindi dapat pagtalunan kung sino ang higit na dakila sa kanila.

Totoo bang may Priority Development Assistance Fund o pork barrel na nakapaloob sa P2.6 trilyong national budget para sa 2015? Sabi ng Tigre ng Senado, meron pa raw PDAF sa 2015 national budget. Sabi naman nina Speaker Feliciano Belmonte at Budget Sec. Butch Abad, walang PDAF. Sino ang paniniwalaan naming mga taxpayer? Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ba o sina Belmonte at Abad?

Kung may binubuong tambalang Poe-Francis ang supporters nina Sens. Grace Poe at Francis “Chiz” Escudero para sa halalan sa 2016, may binubuo rin daw tambalan ang kampo nina Vice President Jejomar Binay at Sen. Grace Poe. Ito ay tatawaging BIN-POE. Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “ Pamunas ba ito ng mukha o bimpo”. Sagot ni Tata Berto: “Baka pamunas ito sa mukha ng mga tiwaling pulitiko para mawala ang kurapsiyon sa bansa.” Hindi kaya pamunas ito sa mukha ni VP Binay na pinuputakti ngayon ng paninira ng mga kritiko? Papayag kaya si Sen. Grace sa tambalan?

Ayon sa mga balita, naghain na si Health Sec. Enrique Ona ng courtesy resignation kay PNoy. Habang sinusulat ko ito, hindi pa batid kung tinanggap na ito ng binatang Pangulo. Si Ona ay hindi isang kontrobersiyal na cabinet member tulad nina Sec. Abad at Agriculture Sec. Proseso Alcala. Nagulat ang madlang Pinoy nang siya’y magbakasyon dahil pinagbakasyon pala siya ni PNoy para sagutin ang mga katanungan tungkol sa umano’y anomalya sa pagbili ng mga gamot ng DOH, May bintang na sangkot sila ni dancing Asec. Eric Tayag sa iregularidad. Kung ganoon, eh bakit may mga bintang din ng anomalya at paggamit ng bilyun-bilyong piso sa kanilang departamento sina Abad at Alcala eh bakit hindi sila pinagbabakasyon ng Pangulo?

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez