Lumitaw sa audit report ng Commission on Audit (CoA) ng lokal na pamahalaan ng Taguig noong 2013 na may nakitang iregularidad sa “labis” na cash advance na inilaan sa scholarship program, at birthday at cash gift ng mga senior citizen.

Ayon sa report, napuna ng CoA ang kawalan ng wastong dokumentasyon, gaya ng resibo sa payroll na dapat nakalakip sa disbursement voucher. Sa halip nagsumite ang Taguig government ng listahan ng mga scholar sa ilalim ng Lifeline Assistance for Neighbors In-Need (LANI) Scholarship Program na nagpapakita sa kanilang distrito, paaralan at katumbas na halaga na tinatanggap mula sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa CoA, sa ilalim ng State Audit Code ng Pilipinas, ang kumpletong dokumentasyon sa suporta ng deklarasyon laban sa mga pondo ng gobyerno ay isang pangunahing pamantayan sa lahat ng transaksiyon sa pananalapi at operasyon ng anumang ahensiya ng pamahalaan.

Nakita ng CoA ang sobrang halaga na P6.33 milyon sa P22.33 milyong pisong kabuuan ng cash advances na ginamit para sa cash gift ng mga senior citizen sa lungsod base sa talaan ng cash advance disbursement vouchers na posibleng paglabag sa Section 4.2.1 ng COA Circular No. 97-002 na may petsang Pebrero 10, 1997 kung saan nakasaad dito na dapat magkatugma ang cash advance sa halaga ng payroll para sa pay period.

Sen. Bato, iginiit na hindi convicted criminal si Lopez para ilipat sa Women's Correctional

Tanging nakalista ang 28 barangay at Obligation Request form sa nakalakip sa disbursement vouchers sa birthday at cash gift ng mga senior citizen.

Nadiskubre rin ng CoA audit team, ang mga LANI scholar ay nabigyan ng tulong pinansiyal na P20,000 hanggang P40,000 cash bawat isa imbes na isyuhan ng tseke ang mga scholar taliwas sa umiiral na CoA Circular na naglilimita sa pinapayagang halaga ng pambayad sa cash advances na P15,000 lang.

Babala ng CoA mag-iisyu ito ng notice of suspension sa Taguig government kung hindi agad magsusumite ng aprubadong listahan ng mga payee sa naturang mga programa.