Totoong manakanaka lamang, subalit hanggang ngayon ay ginugulantang tayo ng malagim na patayan at pag-kidnap sa Mindanao. Katunayan, iniulat kamakailan na limang sundalo at siyam na bandidong Abu Sayyaf ang nangamatay sa labanan sa isang lugar sa Basilan. Bukod pa rito ang paghahasik ng mga karahasan sa iba’t ibang sulok ng Mindanao.

Nakikigulo pa rin ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), isa sa mga grupo na tila hindi nasisiyahan sa binabalangkas na BBL. Paminsan-minsan, nagaganap pa rin ang pag-ambush ng New People’s Army (NPA) sa militar at iba pang sibilyan.

Ang mga pangyayaring ito ang maaaring nagiging balakid sa pagpapatibay ng BBL na hanggang ngayon ay tinatalakay pa sa Kongreso. Pati ang implementasyon ng mga kasunduan hinggil sa paghahanap ng kapayapaan sa Mindanao ay hindi gaanong makausad dahil nga sa magkakasalungat na pananaw ng mismong mga apektado ng kaguluhan sa panig na iyon ng bansa.

Nakalulugod mabatid, kung totoo ang mga ulat, na ang grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay tila kumikilala sa mga kasunduan na pinagtibay ng kani-kanilang organisasyon. Siyempre, hindi maaaring kumalas ang MNLF sa peace agreeement na nilagdaan ng Ramos administration noong 1996; nakayakap din ang MILF sa peace agreement na pinagtibay naman ng Aquino leadership. Kung ito ay talagang mangyayari, mababawasan kahit paano, ang tensiyon na namamagitan sa nabanggit na Muslim groups.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Lagi nating binibigyang-diin na hindi lamang MNLF at MILF ang dapat pag-ukulan ng pansin ng ating mga peace makers. Marapat ding sangguniin ang liderato ng mga rebeldeng NPA na hindi lamang sa Mindanao naghahasik ng karahasan kundi maging sa lahat halos ng sulok ng kapuluan. Aktibo pa rin ang naturang grupo sa paghahanap ng pangmatagalang kapayapaan na lagi namang ibinabandila ng liderato nito na ngayon ay namamalagi sa The Netherlands.

Walang hindi naghahangad ng tinatawag na lasting peace sa Mindanao – ang lugar na hanggang ngayon ay tinataguriang lupa ng mga pangako. Isa pa, at ito ang pinakamahalaga, hindi na sana dapat maganap ang patayan ng mga kapuwa Pilipino.