NAGA CITY- Halos abot kamay na ng Quezon City ang pangkalahatang liderato sa ginaganap na 2014 Batang Pinoy Luzon Qualifying leg kontra sa nagtatanggol na kampeon na Baguio City matapos dominahin ang ilang natapos na 26 sports na pinaglaban sa iba’t ibang lugar dito sa Camarines Sur.

Kumulekta ng 6 gintong medalya ang Quezon City sa taekwondo upang idagdag sa iniuwing 18 ginto, 20 pilak at 16 tanso sa swimming at 8 sa muaythai, bukod pa sa patuloy na paghablot ng medalya sa iba’t ibang sports upang kapitan ang liderato sa natipong 48 ginto, 32 pilak at 26 tanso.

Nasa ikalawa ang Muntinlupa City sa natipong 24 ginto, 8 pilak at 12 tanso.

Siyam na ginto naman ang nasungkit ng 3-time Luzon leg champion na Baguio City sa taekwondo subalit nanatili ito sa ikatlong puwesto sa nakubrang 22 ginto, 22 pilak at 18 tanso.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ikaapat ang Province of Laguna sa 18-19-15 habang ikalima ang Dasmariñas City, Cavite na may 16-14-12 medalya. Ikaanim ang Province of Pangasinan (16-14-30) habang ikapito ang Taguig City na may 9-14-23.

Ikawalo ang Paranaque City (8-2-3), ikasiyam ang Olongapo City (7-6-5) at ikasampu ang Province of Ifugao na may (7-5-1) matapos ang apat na araw na kompetisyon.

Samantala, napanatili ng Team Iriga ang titulo sa ikalawang sunod na taon sa Cheerdance competition sa national finals ng gymnastics event sa pagtipon ng 233 puntos. Ikalawa ang Quezon City (135.7 puntos) at ikatlo ang Maasin City (103.7 puntos.).

Napanatili rin ng 2013 Batang Pinoy at 2014 Philippine National Games champion na Parañaque ang korona sa Team Cheerdance matapos na itala ang 222 puntos. Ikalawa ang Laguna (181) at ikatlo ang Taguig (166).

Nanalo naman ang Taguig A sa Group Stunts Mixed habang nagwagi din ang Taguig sa Group Stunts All Male. Iniuwi ng Laguna ang gintong medalya sa Group Stunts All Female at maging sa Team Acrobatics.

Samantala, habang isinusulat ito ay iniulat na nabiktima ng Salisi Gang ang Public Information Officer ng Naga City na si Arnel Labrador kung saan ay nawala ang bag nito na naglalaman ng kanyang laptop at pera na pangsahod sana sa mga volunteer habang ginaganap ang kompetisyon sa loob ng Jessie Robredo Coliseum.