NAGA CITY- Dalawang gintong medalya agad ang kinubra nina Kirsten Chloe Daos ng Quezon City, Maurice Sacho Ilustre ng Muntinlupa City at hometown bet na si Kurt Anthony Chavez sa paghataw ng swimming competition sa 2014 Batang Pinoy Luzon qualifying leg sa Camarines Sur.

Samantala, kinansela ng organizer ang ilang laro bunga na rin ng mahina ngunit nagtuluy-tuloy na pag-ulan dito.

Agad na ibinigay ng 13-anyos at Grade 7 pupil sa Ateneo De Naga na si Chavez ang unang gintong medalya sa host Naga City matapos manguna sa Boys 12-Under 1,500m freestyle sa naitalang 18:53.04 oras kung saan ay binigo nito sina Zachary Kong ng Parañaque City (19:09.31) at Andrew Datingan ng Bulacan (19:40.57).

Matapos magwagi sa unang isinagawang event na ginanap sa Metro Naga Sports Complex ay agad itong nagtungo sa tradisyunal na parada sa Rizal Plaza upang iprisinta ang kanyang koponan, kinapalooban ng mahigit sa 4,000 atleta, upang sindihan ng simbolong apoy.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Isa po kasing malaking karangalan na ikaw ang magsindi ng sulo sa isang sports competition kaya po kahit pagod ay pinilit ko na agad makapunta sa opening ceremony,” pagmamalaki ni Chavez, na ang ina ay dating executive assistant ni Congressman Datu Arroyo.  

Muli nitong dinomina ang ikalawang sinalihang event sa Boys 12-under 400m freestyle para sa kanyang ikalawang gintong medalya sa oras na 4:48.72. Pumangalawa si Raphael Santos ng Quezon City (5:03.90s) at pumangatlo si Latrell Batingan ng Bo. Maharlika sa Bulacan (5:07.09).

Hindi naman nagpaiwan ang isa sa 2012 Batang Pinoy Most Valuable Player at kasalukuyang miyembro ng national pool at 15-anyos na si Kirsten Chloe Daos matapos iuwi ang dalawa ring ginto sa Girls 13-15 under 800m freestyle (9:53.57) at 400m free (4:47.34).

“Target ko po kasi na makasali sa 2015 Southeast Asian Games kaya po panay ang paghahanda ko,” sinabi ng 3rd year high school sa Immaculate Concepcion at beterano ng 2013 Asian Youth Games, Palarong Pambansa at FINA Worlds Cup na isinagawa sa Singapore.

Matatandaan na winalis ni Daos ang sinalihan nitong pitong events sa elementarya noong 2012 National Finals sa Iloilo City habang mayroon itong ibinulsang 3 ginto at 2 pilak sa nakalipas na 2013 national championships na ginanap sa Bacolod City.

Tinalo ni Daos sa Girls 13-15 under 800m free sina Bela Louise Magtibay ng Lucena City (10:28.22) at Dominique Gabrielle Velasco ng Makati (10:35.91).

Nagwagi rin ito kontra kina Xiandi Chua ng San Juan (4:54.02) at Magtibay (5:05.14) sa Girls 400m freestyle.  

Samantala, nagtagumpay naman si Ilustre sa Boys 13-15 Under 1,300m freestyle sa oras na 17:27.26 bago hinablot ang ikalawang ginto sa Boys 13-15 Under 400m freestyle.  

Namayani rin sa Girls 12 Under category si Gianna Vivien Garcia ng Manila sa oras a 10:41.01 habang may ginto rin si Jewelle Macatangay ng Batangas City sa Girls 12 Under 400m free sa 5:10.33 oras sa torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng MILO.

Sa kabilang dako, gaganapin naman ngayon ang medal-rich na athletics at judo habang magpapatuloy ang eliminasyon ng iba pang sports na pansamantalang nakansela kahapon na kinabibilangan ng archery, arnis, badminton, baseball, 3-on-3 basketball, billiards, boxing, chess, futsal, karatedo, lawn tennis, muay thai, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting at wrestling.