Mga laro ngayon: (Ynares Sports Arena)

12 p.m. Tanduay Light vs. Bread Story-Lyceum

2 p.m. Cafe France vs. Jumbo Plastic Linoleum

4 p.m. Cebuana Lhuillier vs. Cagayan Valley

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Muling umakyat sa liderato at makahalubilo ang nagsosolong lider na Hapee Toothpaste ang target ng Cafe France, Jumbo Plastic at Cagayan Valley sa dalawang magkahiwalay na laban ngayon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Tatangkain ng Bakers at ng Rising Suns ang kanilang ikatlong sunod na tagumpay sa nakatakdang triple bill na sisimulan ng salpukan ng Tanduay Light at ng winless na Bread Story-Lyceum sa ganap na alas-12:00 ng tanghali.

Mag-uunahang makapagtala ng ikatlong panalo ang Bakers at ang Linoleum Giants sa kanilang pagtutuos sa ganap na alas-2:00 ng hapon habang makakasagupa naman ng Rising Suns ang Cebuana Lhuillier sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

“Its going to be another tough test for the team,” pahayag ni Giants coach Steve Tiu tungkol sa makakatunggaling Bakers na aniya’y hindi nalalayo ang lakas sa kanilang tinalong Cebuana Lhuillier na naungusan nila sa endgame, 63-61.

Ayon kay Tiu, matinding hamon sa koponan, partikular sa kanilang big men, ang muling mag-step-up laban sa Bakers na mayroon ding hindi matatawarang talented bigs na gaya nina Rodrigue Ebondo, Alfred Batino, Jam Cortez at Yutien Andrada.

Sa unang laro, tatangkain naman ng Rum Masters na makabalik sa winning track kasunod sa natamong 56-67 kabiguan sa kamay ng Fresh Fighters sa ikalawa nilang laro habang sisikapin naman ng katunggaling Bread Story na makamit na ang asam na unang tagumpay matapos mabigo sa unang dalawa nilang laro sa kamay ng Jumbo Plastic at Cagayan Valley.

Samantala, tiyak na matinding sagupaan din ang mamamagitan sa Gems at Rising Suns lalo pa at hindi papayag ang una na makaranas ng dalawang dikit na pagkabigo.

Para naman sa kampo ng Cagayan, muli nilang aasahan ang NCAA Mythical Team member na si Michael Mabulac kasama sina mainstay Jason Melano, Don Trollano, Abel Galliguez at Ali Austria habang hinihintay ang pagdating ng top pick na si Moala Tautuaa na galing sa Indonesia.