TULAD ng sinulat ko noon, ang jogging o paglalakad ay isang mabuting exercise para sa kalusugan lalo na sa mga senior citizen, upang maiwasan ang dementia at pagkakaroon ng tinatawag na “senior moments” o pagiging malilimutin.

Bilang pruweba, ang dalawang senior jogger (lalaki at babae) na halos araw-araw na nakasasama ko ay masisigla at malakas pa rin, malulutong kung tumawa at parang di-alintana ang mga lumipas na tagaraw at tag-ulan sa kanilang buhay. Muling umusbong ang anyaya ng pag-ibig sa dalawang matanda, este senior joggers, at nagpahiwatig pang baka sila mag-ala King Rodrigo at ala- Boots Anson-Roa na nakatagpo ng pangalawang langit.

Sa halos pitong oras ng special cabinet meeting noong Miyerkules tungkol sa Typhoon Yolanda rehabilitation updates na ginanap sa Malacañang, hindi umano nagkibuan sina PNoy at VP Binay. Hindi raw binati, kinausap o kinamayan ng binatang Pangulo ang 72- anyos na Vice President tulad ng ginawa niyang pagbati at pagkamay sa ibang cabinet members. Marahil ay asar pa rin ang Pangulo kay Binay dahil sa pagbatikos niya kamakailan sa sagradong DAP ng Palasyo, sa maling pagtrato kay Aling Maliit, traffic problem, MRT-3 issue, laganap na krimen at iba pa. Dahil dito, binira ni PNoy ang Bise Presidente at sinabihang kung hindi siya nasisiyahan sa pamamahala ng Pangulo at hindi kuntento sa Tuwid na Landas, aba naman, malaya kang makaaalis sa Gabinete. Mr. Vice President, ano pa ang hinihintay mo? Iba ang utang mo sa pulitika kay Tita Cory kaysa pakikipag-ugnayan mo sa kanyang Unico Hijo.

Tuloy na tuloy ang Binay- Trillanes debate sa Nob. 27. Ano kaya ang pakinabang ng mamamayan dito? Sinabi ni US State Sec. John Kerry na ipagtatanggol ni Uncle Sam ang mga alyado sa Asia-Pacific, kabilang ang Pinas vs China. Ayon kay AFP chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang, mga pekeng pera ang ipinakita ng Abu Sayyaf na umano ay P250 milyong bayad sa kalayaan ng dalawang German. May 400 lang ang kasapi ng ASG, bakit hirap na hirap kayong lipulin ang mga bandidong ito?
National

Alice Guo at iba pa, posibleng makasuhan ng 62 counts of money laundering