NGAYONG ginugunita ang unang taon ng pananalasa ng super-typhoon yolanda, nakapanlulumong mabatid na 1,785 pang kababayan natin ang hindi nakikita. Karagdagan ito ng 6,000 biktima na ang karamihan ay nakilala at ipinalibing ng kani-kanilang mga mahal sa buhay; ang iba naman ay kinailangang ihimlay sa mga common grave dahil sa kawalan ng pagkakakilanlan o identity.
Lalong nakapanlulumo ang isinasaad sa isang survey na isa lamang sa bawat 10 yolanda victims ang nakakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. Hanggang ngayon, ang libu-libong pamilya ay nagsisiksikan pa sa mga evacuation center at sa mga bunkhouse. Dahil kaya ito sa kabagalan ng rehabilitasyon ng mga napinsala sa Leyte, Samar at sa iba pang lalawigan na dinaluhong din ng mga kalamidad? Ang iba ay nagtatanong: Saan kaya napunta ang milyun-milyong dolyar
na tulong ng iba’t ibang bansa?
Sa paggunita sa malagim na pamiminsala ni yolanda, pilit nagsasalimbayan sa ating gunita ang taghoy ng mga pinalad makaligtas sa matinding bagyo at baha: Nalunod ang aming mga anak; tinangay ng storm surge ang aming mga bahay; nawasak ang lahat ng aming ari-arian.
Totoo na mabilis ang pagkilos ng mga awtoridad, katuwang ang iba’t ibang sektor na mapagkawanggawa. Hanggang ngayon, ang mga ito ay manakanakang umaayuda sa mga binagyo, binaha at patuloy ang pagtatayo ng pansamantalang matitirhan ng ating mga kababayan. Nakalulungkot nga lamang na ang ganitong pagsisikap ng pamahalaan ay nakulapulan ng mga alingasngas. iniulat na maypagkakataon na nagkakaroon ng overpricing sa mga materyales sa pagtatayo ng temporary shelters; sinasabing sub-standard ang mga bakal at kahoy na ginagamit sa konstruksiyon ng mga bunkhouse. Sa pagsaklolo sa mga biktima, nakapanlulumo ring mabatid na nagkaroon ng mistulang pagbabangayan ang mga local at national officials hinggil sa limitasyon ng kani-kanilang kapangyarihan sa pagsaklolo sa mga yolanda victim.
Sana ay hindi na maganap ang naturang mga eksena alang-alang sa pananahimik ng mga kaluluwa ng mga biktima at sa kaligtasan ng mga survivors. Makiisa tayo sa National Day of Prayer ngayon.