Sinul at ko sa nakaraang kolum na noong 2010, ibinoto ko si Pres. Noynoy Aquino dahil naniniwala ako sa kanyang personal integrity. Gayunman, sinulat ko rin na sakaling kumandidato uli siya sa 2016 sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa Saligang-Batas para sa term extension, hindi ko na siya iboboto dahil ipinagbabawal ito ng 1987 Constitution na nilagdaan mismo noong panahon ng kanyang inang si Tita Cory. Salamat naman at idineklara ng binatang Pangulo na hindi tugon ang panukalang term extension para maipagpatuloy ang itinuturing niyang economic gains ng kanyang administrasyon. Hindi niya pinakinggan ang mga “bulong brigade” na umaamuki sa kanyang muling kumandidato. Nasa tama at tuwid na daan ka rito, Mr. President.
Sa kanyang talumpati sa Semiconductor and Electronic Industries in the Philippines Inc. (SEIPI) forum na ginanap sa Makati City, ipinahayag ni PNoy na ang term extension ay hindi right solution upang matiyak na masusustinihan ang mga solidong kabutihang natamo ng kanyang administrasyon. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Mabuti naman at naliwanagan ang Presidente na hindi garantiyang patuloy na uunlad ang bansa at mawawala ang kurapsiyon kung mananatili siya sa puwesto. Saka, sigurado ba siyang mananalo?” Badya ni Tata Berto: “Ako nga hindi ko siya iboboto dahil labag ito sa Constitution.”
Maraming pangulo, prime minister, emperor at diktador sa mundo ang nalalango sa kapangyarihan at nag-aakalang sila ang pag-asa ng bayan, na mahal sila ng taumbayan, marami silang nagawa para sa bayan. Di nga ba may kasabihang “power intoxicates”? Nakalalasing ang kapangyarihan kung kaya dahil sa pagkahilo ng lider, hindi niya alam na ayaw na siya ng bayan, suyang-suya na sa kanya. Di ba ganito ang nangyari kina Hitler, Mussolini, Khadafi, Mubarak at maging sa Pinas, kay Apo Marcos noong 1986?
Ang Pilipinas ay isang Katoliko at Kristiyanong bansa. Di ba kayo nagtataka kung bakit tuwing sasapit ang Undas ang ibinabando ng mga mall at maging sa mga subdibisyon, ay mga nakatatakot na pigura? Huwag nating kopyahin ang paggunita ng mga 2014dayuhan, gaya ng US, na sa halip na ipakita sa madla ang mga magaganda at banal na larawan o sagisag ng mga yumao at maka-langit na karakter, ang ipinakikita ay mga kakila-kilabot.