Ang Todos los Santos o All Saints’ Day ay pagdiriwang ng Simbahan sa lahat ng banal na hindi nabigyan ng pangalan ay iniuukol natin sa paggunita sa mga namayapa nating mahal sa buhay. Dinadalaw ang kanilang mga libingan, tinitirikan ng mga kandila, inaalayan ng mga bulaklak at pinag-uukulan ng dasal. At kapag ika-2 ng Nobyembre, batay sa kalendaryo ng Simbahan ay All Souls’ Day o Araw ng mga Kaluluwa. Sa araw na ito kung hindi nakadalaw sa libingan ng yumaong mahal sa buhay kahapon, ngayong Nobyembre 2 ay isang magandang pagkakataon na dalawin ang puntod ng namayapang mga kamag-anak at mahal sa buhay. Magtirik ng kandila, alayan ng mga bulaklak at mag-ukol kahit ng maikling panalangin para sa kapayapaan ng kanilang mga kaluluwa.
Ang Todos los Santos at ang Araw ng mga Kaluluwa ay isang matibay na paniniwala ng mga Kristiyano na ang imortalidad o kawalan ng kamatayan ng kaluluwa ay ang patuloy na ugnayan sa pagitan ng mga nabubuhay at ng mga yumao. Ang dalawang okasyon ito ay isa sa mga dahilan kaya ang mga Kristiyanong Pilipino ay dumadalaw sa mga sementeryo, memorial park at columbarium upang gunitain ang namayapa nilang mahal sa buhay.
Ang paggunita ay walang kabuluhan kung walang paniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Kaugnay ito ng paniniwala sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Panginoon. Naniwala rin ang mga naunang Kristiyano na mga nagsakripiyo para sa kanilang mga kapatid ay bilang pagsunod kay Kristo. Naniniwala sila na muling makakapiling sa Muling Pagkabuhay.
Dumarating at lumilipas ang Todos los Santos at ang Araw ng mga Kaluluwa. Sa tradisyong ito, tanikalang hindi nalalagot ang ugnayan ng mga nabubuhay at mga yumao. Katulad ito ng isang bahagi ng aking tula na inialay ko sa yumao kong kabiyak ng puso. May pamagat na “Magpakailanman” - Sa puntod mo sinta/ kupas man ang bango/ ng mga bulaklak,/ ngunit sa diwa ko/ ang iyong gunita’y/ simbango ng rosas,/ walang pagkaluoy/ kahit paglisan mo’y/ nag-iwan ng sugat,/ at lalaging buhay/ sa ningas at tanglaw/ ng bawat kandilang/ luha ang kayakap!”