Inaasahang ilalabas na sa Disyembre ng Simbahang Katoliko ang itinerary ng pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15-19, 2014.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, inaasahang bago magtapos ang Nobyembre o sa unang bahagi ng Disyembre ay muling darating sa bansa ang mga kinatawan ng Vatican upang tingnan ang progreso ng paghahanda ng Pilipinas para sa papal visit.
Matapos, aniya, ang naturang pagbisita ay ilalabas na rin ang pinal na programa para sa papal visit.
Tiniyak naman ni Tagle na puspusan ang ginagawang paghahanda para sa pagbisita sa bansa ng Papa.
“Ang ating mga committee ay pagod na pagod at busy sa paghahanda. The Vatican committee in charge of the Pope’s international visits will come back to see the progress of preparation,” aniya pa.
Nilinaw din naman ni Tagle na wala pa silang natatanggap na opisyal na impormasyon hinggil sa mga espekulasyon na didiretso na sa Pilipinas ang Santo Papa at kung nakansela nga ba ang pagbisita nito sa Sri Lanka sa Enero 12-15 dahil sa eleksiyon doon.
“Ang huling narinig ko bago ako umalis ng Vatican, magkakaroon ng canonization sa visit sa Sri Lanka. Kung makakaapekto ‘yung eleksiyon, wala pang announcement. A lot of it will also depend on the bishops there,” ani Tagle.