Isa na namang masamang balita ang dumating sa kampo ng national men’s football team na mas kilala sa tawag na Philippine Azkals.
Ito’y matapos na ianunsiyo ng beteranong manlalaro na si Jason De Jong ang kanyang pagreretiro sa koponan.
Sa kanyang twitter account, inihayag ni De Jong ang kanyang pamamaalam sa koponan.
Naging bahagi ang 24 anyos na Fil-Dutch sa matagumpay na kampanya ng Azkals noong 2010, partikular sa Suzuki Cup kung saan nakuha nila ang tinatamasang popularidad sa ngayon.
Nauna nang nagpaalam sa koponan, bago si De Jong, ang iba pang foreign-based players na sina Dennis Cagara at Stephan Schrock sanhi umano ng ‘di pagkakaunawaan sa kanilang bagong coach na si Thomas Dooley.
Samantala, sa kaugnay na balita, magkakaroon ng friendly match ang Azkals kontra sa Thailand bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa darating na ASEAN Football Federation Suzuki Cup sa susunod na buwan.
Kasalukuyang nasa world tanking na 134, makakatunggali ng Azkals ang Thailand na may ranggo namang 165 sa Nobyembre 10 sa Nakhon Ratchasima.