May talinghaga sa Biblia tungkol sa isang tao na nagpuno ng kanyang sariling kamalig ng palay. Masaya niyang pinagmasdan ito at sinabi sa sarili na hindi na siya magugutom. Hangal, wika ng Panginoon, bukas ay mamamatay ka na. sumaisip sa akin ito dahil sa nangyayari kay VP Binay. ibinibintang niya sa Operation stop nognog 2016 ang imbestigasyon ginagawa laban sa kanya ng senado, Ombudsman at nitong huli ng Department of Justice. Binansagan ng kanyang kampo sina sen. Trillanes at Cayetano na mga “puppet” ni DILG secretary Mar Roxas sa isinusulong na imbestigasyon ng senado hinggil sa mga katiwalian sa Makati. Layunin daw ng mga ito na siraan ang pagkatao ni VP Binay.
Hindi ang Operation stop nognog 2016 o sabwatan nina Trillanes at Cayetano na ang mastermind ay si Roxas ang naninira sa pagkatao ni Binay. si Binay mismo ang sumira sa kanyang sarili. Ang ginagawa lang ng mga pinagbibintangang naninira sa kanya ay ibunyag ang kasiraan niya. saan ka ba nakakita na nag-umpisang kang dukha at naging abogado, pero nang gamitin mo ang iyong prosesyon ay pagtulong din sa iyong kapwa dukha ang ginawa mo? Pro bono ang serbisyo mo sa kanila. nang maging alkade ka at tumangan na ng iba pang posisyon sa pamahalaan ay naging bilyonaryo ka. sinarili mo at ng iyong pamilya ang Lungsod ng Makati.
Hindi mahalaga kung nakuha mo ang iyong yaman gamit ang kapangyarihang ipinagkaloob sa iyo ng taumbayan. ang mahalaga ay nagmistula kang taong binabanggit sa talinghaga sa Bilia na ang kaligayahan mo ay nasa yamang iyong inipon. Napakalaki ng kayamanang ipinundar mo na hindi mo na kayang itago. napakalaki nito na mabuhay ka man ng isang daang taon ay labis-labis pa para sustentuhan ka. Nabuhay ka sa tinapay lang. Bakit nga ba hindi eh iyong iniyaman ay siyang ipinagkait mo sa iyong kapwa. Sa isang Encyclical ng naunang Papa, winika niya, na ang ibinubuhay nang labis-labis sa iyong pangangailangan ay ninakaw mo sa iyong kapwa. Nasira na si Binay dahil hindi na makayanang dalhin ng kanyang sarili ang naipon niyang yaman. Para siyang taong natulog pagkatapos busugin niya nang husto ang kanyang sarili at hindi na ito nagising.