Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tuluyan nang matatapos ang mga panahong inaabot nang ilang oras sa pila sa mga tanggapan ng ahensiya ang mga nagbalik-bansang overseas Filipino worker (OFW) sa paglulunsad ng bago nitong online registration system.
Ito ang sinabi noong Huwebes ni POEA Administrator Hans Cacdac sa opisyal na paglulunsad ng bagong internet-based system para sa pagpoproseso ng overseas employment certificate (OEC) ng mga balik-manggagawa (BM).
Aniya, ang automated system, na maaaring ma-access sa bmonline.poea.gov.ph, ay magpapahintulot sa mga OFW na mag-apply at mag-print ng kopya ng kanilang OEC kahit anong oras at nasaan man sila, basta mayroon silang computer at Internet.
Ang OEC ay documentary requirement na iniisyu ng POEA sa isang OFW bago ito pahintulutang magtrabaho sa abroad.
Ang mga gagamit ng online system ay sisingilin ng P100 processing fee at P19.50 na electronic-payment service fee. - Samuel P. Medenilla