Ipinagbabawal ng DOLE sa mga OFW na magtrabaho sa West Africa lalo na sa mga bansa nitong Guinea, Liberia at Sierra Leone. Tumataas kasi sa mga bansang ito ang kaso ng mga nagkakasakit at namamatay sanhi ng Ebola. Ang Ebola, ayon sa World Health Organization (WHO), ay siyang pinakamalalang health emergency sa modernong panahon. Kaya, dahil sa deployment ban ng DOLE, ang anumang trabaho sa mga tinurang bansa ay ilegal at hindi pahihintulutan ng POEA. Ang sinumang magpupumilit na magtrabaho rito wika ni DOLE Secretary Rosalinda Baldog, ay baka mabiktima lang ng illegal recruiter.

Anong Ebola at illegal recruiter sa ating mga Pinoy? Sa hangarin na iiwas na mahawaan ng Ebola ang mga OFW sa Sierra Leone, naglunsad ang gobyerno ng programang Voluntary Repatrition. Pinauuwi na nito sa ating bansa ang mga OFW para na rin sa kanilang kaligtasan. Pero, ayaw nilang sumunod. Mayroon na ngang nanggaling sa Sierra Leone, pero bumalik pa rin sila rito. Kapag umuwi kami, wika nila, wala namang naghihintay na trabaho sa ating bansa; magugutom ang aming pamilya at hindi makapag-aaral ang aming mga anak. Ganito rin ang katwiran ng ating mga kababayan na nagpupumilit makapagtrabaho sa ibang bansa kahit marami na ang nabibiktima ng mga illegal recruiter. Kahit nabiktima na rin sila ng mga ito ay paulit-ulit na nagpupursigeng makapagtrabaho sa ibayong dagat. Kung trabaho kasi ang pag-uusapan para mabuhay ng disente, tigang ang lupa sa ating bansa.

Totoo, masidhi ang pagnanais ng ating gobyerno na pangalagaan ang kanyang mamamayang nagtratrabaho sa ibang bansa, pero hindi ito matumbasan ng kanyang kakayahang mabigyan ng kaukulang kapalit ang mawawala sa kanila kapag sila ay umuwi. Palolobohin lang nila ang dagsa nang mga nagugutom dahil walang trabaho sa ating bansa. Kasi, ang kinikita ng gobyerno sa mga OFW bilang buwis na pinakamalaking bahagi ng pondo nito ay hindi bumabalik para sa kapakanan ng pangkahalahatan. Pinangsusustento lang ito ng mga taong gobyerno para sa kanilang DAP, PDAF at iba. Kinokotongan pa ito ng mga tiwaling opisyal, nasyonal man o lokal.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez