Nanawagan ang magiging kinatawan ng Senior Citizens sa House of Representatives na si Francisco Datol Jr. sa lahat ng beterano sa buong bansa at kanilang asawa at mga anak na maging aktibong kalahok sa Veterans Federation of the Philippines (VFP) para makatulong sa repormang pinangunahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Voltaire Gazmin.
Pinal na iniutos ng Supreme Court (SC) sa Comelec na iproklama sina Datol at dating Rep. Godofredo Arquiza Jr. bilang kinatawan ng Senior Citizens sa Kongreso kaya nangako siya na kapag nakapuwesto ay tutulong para sa kagalingan ng mga beteranong pawang matatanda na rin.
Ayon kay Datol, nabasa niya ang bagong Constitution and By-Laws (CBL) ng VFP sa pamamagitan ng primer na ipinamimigay ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) at naniniwala siyang dapat magparehistro ang lahat ng beterano, gayundin ang kanilang asawa at mga anak upang maging tunay na “umbrella organization” ang VFP ng lahat ng grupo ng mga beterano sa buong bansa.
“Kailangan talagang maging aktibong miyembro ng VFP ang lahat ng beterano at kanilang mga kamag-anak para na rin sa kanilang kapakanan,” ayon kay Datol. “Malaki ang magiging pakinabang nila kung lalahok sa VFP na hindi tulad ngayon na 30 porsiyento lamang ng PVAO pensioners ang miyembro ng pederasyon at may mga ulat ng mismanagement.”
Naunang nilinaw ni Sec. Gazmin na siya ang nagpahintulot sa kumbensiyon ng VFP noong Mayo 16-17, 2014 sa Taguig City para maunawaan ng mga kasapi ang bagong CBL na nilagdaan niya noong Hunyo 25, 2013 matapos ang mahabang konsultasyon.
Pero pinalabas ng nagpakilalang media relations officer ng pederasyon na si Luzviminda C. Marasigan na tinutulan ng 182 opisyales at miyembro ng VFP ang bagong CBL. Gayunman, pinabulaanan ito ng mga nagsidalo na karamihan ay retiradong opisyal at miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil gusto rin nila ang repormang ipinatutupad ni Sec. Gazmin.
Ibinunyag naman ng isang miyembro ng USAFFE mula sa Bulacan na si Carling Galvez na hindi rin beterano si Marasigan kundi anak lamang ng isang dating opisyal ng VFP at kabilang siya sa mga sangkot sa anomalya sa VFP na halos 30 taong pinagharian ng iisang grupo.