BANTAY, Ilocos Sur – Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang riding-in-tandem matapos silang magkabarilan sa Barangay Naguiddayan sa Bantay, Ilocos Sur noong Lunes.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si SPO3 Marcelino Presto Jr., nakatalaga sa San Fernando City Police sa La Union at residente ng Barangay Poblacion, Bantay, Ilocos Sur. Namatay ang pulis bandang 5:10 ng hapon habang ginagamot sa ospital.

Nasugatan sa pakikipagbarilan kay Presto ang mga suspek na sina Noriel Sayo at Nolie Sayo, kapwa ng Bgy. Pug-os, Cabugao, Ilocos Sur.

Ayon sa imbestigasyon, tanghali noong Lunes nang bumili si Presto ng bibingka sa Bgy. Naguiddayan sa Bantay hanggang lapitan siya ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo. Isa sa mga ito ang agad siyang pinagbabaril at nasapol ang pulis sa dibdib at tiyan.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Gayunman, nagawa pa rin ng biktima na kuhanin ang kanyang M-16 armalite rifle sa sasakyan at pinagbabaril ang mga suspek.

Ayon sa mga saksi, mismong si Presto rin ang nagmaneho ng sariling sasakyan at nagdala sa kanyang sarili sa ospital.

Agad namang nakapagresponde ang mga pulis at naaresto ang mga suspek na papatakas sana sa Bgy. Tay-ac, Bantay. Isinugod din sa pagamutan ang mga suspek.

Napaulat na namatay si Presto habang ginagamot, samantala ligtas na sa kapahamakan ang mga suspek.

Iniimbestigahan pa ang motibo sa pamamaril.