TULUY-TULOY SANA ● Na-break na raw ng Pilipinas kamakailan ang world record sa pagtatanim ng pinakamaraming puno sa loob ng isang oras. Ayon sa ulat, mahigit 3.2 milyong puno ang naitanim bilang pagtupad sa programang reforestation ng pamahalaan. Gayunman, aalamin pa ng Guinness World Records ang magandang balitang ito habang nagpahayag naman ng kumpiyansa ang ating pamahalaan na nalampasan na nito ang 1.9 milyong puno na naitanim ng India noong 2011. Ayon pa sa ulat, mahigit 160,000 katao na binubuo ng mga kawani ng gobyerno, mag-aaral, at volunteer ang nagsitanim ng iba’t ibang puno sa anim na lugar sa Mindanao. Kabilang sa mga punong itinanim ang cacao, kape, at rubber tree.
Umaasa naman ang mga opisyal ng pamahalaan na aalagaan ng mga lokal na mamamayan ang mga itinanim na puno sapagkat magiging bahagi na ito ng kanilang kabuhayan kalaunan. Inilunsad ni Pangulong Noynoy ang isang programa upang lunasan ang pagkawasak ng mga gubat bunga ng walang habas na pagpuputol ng puno. Umaasa si PNoy na makapagtatanim ng mahigit 1.5 bilyong puno sa may 1.5 milyong ektarya bago matapos ang kanyang termino. Sana lang hindi ito mawalan ng saysay dahil sa ugaling ningas kugon ng karamihan sa ating mga kababayan sapagkat ang mga punong ito ay mangangailangan ng matiyagang pangangalaga – ang pagdidilig araw-araw at paglalagay ng abono at pestisidyo – at pagbabantay laban sa dalawang uri ng kalamidad – ang mga bagyo at mga mangangahoy.
MAY IPINAHIHIWATIG ● Sa kabilang dako ng daigdig, sa dalampasigan ng Point Lay sa Alaska, nangagtipon kamakailan ang mahigit 35,000 walrus at doon nagpapahinga. Hindi ito karaniwang tanawin sa Alaska sapagkat ang dalampasigan ay hindi puntahan ng mga walrus. Ang lumulutang na malalaking tipak ng yelo sa dagat ang nagsisilbing pahingahan ng mga walrus kapag napagod sila sa panghuhuli ng isda na kanilang pagkain. Dahil natunaw na ang mga yelo, sa dalampasigan na nagsisiksikan ang naturang mga hayop. Ayon sa pag-aaral, mas mabilis na ang pagkatunaw ng yelo sa dagat bunga ng climate change. At masamang balita ito para sa mga walrus sapagkat simula sa pagtatalik, pagsisilang, at panghuhuli ng isda—ang lumulutang na yelo na nagsisilbing tahanan ng mga ito. Isa lang ito sa mga hudyat na nagbabago na ang environment ng daigdig.