Nagdaos ng birthday ang isa sa mga director ng korporasyong aking pinaglilingkuran. Dinala niya ang buong departamento namin sa kanyang tahanan sa isa sa mga subdibisyon sa Quezon City upang doon mananghalian. Hindi naman kalakihan ang bahay ng aming director ngunit masasabing sumisimbolo iyon ng tagumpay nilang mag-asawa sa kani-kanilang trabaho. Pagdating namin sa sala, naroon sa bawat sulok at mga estante ang iba’t ibang pigurin na gawa sa kristal at porcelana. Sa kanilang dining room, palamuti pa rin ng paligid ang mga antigong babasaging pigurin.

Kung ako ang nakatira sa bahay na iyon, malamang na araw-araw at gabi-gabi akong matatakot na baka ako ay may mabasag. Ngunit hindi ang aming director at ang kanyang maybahay. Nag-iimbita sila ng mga kaibigan at hinahayaan nilang makita at hawakan ang koleksiyon ng mga antigong pigurin na kristal at porcelana. Nang magtanong ako sa aming director kung bakit nila nakahiligang kumulekta at magmay-ari ng mga mamahaling pigurin, aniya, hindi nila motibo ang ipagyabang ang kanilang koleksiyon kundi ng ibahagi ang kagandahan ng mga ito sa iba. Dagdag pa niya, “Hindi kami ang may-ari ng mga ito. Kami ay tagapangalaga lamang.”

Nang pabalik na kami sa aming opisina, nakukuwentuhan kami sa loob ng sasakyan ng aming kasama. Totoo ngang humanga kami sa magagandang koleksiyon ng mga babasaging pigurin. Doon ko napag-isip-isip ang sinabi ng aming director - na ipinahayag niya ang isang biblikal na prinsipyo na lumalapat sa lahat ng ating mga pag-aari: Hindi tayo ang nagmamay-ari; tayo ay mga tagapangalaga lamang. Ngunit bilang mga Kristiyano, malugod tayong sumasang-ayon sa awit ni David: “Ang daigdig ay sa Diyos, at ang lahat ng bumubuo nito, pati na ang lahat ng nangabubuhay dito.”

Tangan ng Diyos ang “titulo” ng ng daigdig na ito at pag-aari Niya ang lahat ng bagay na may buhay at wala, kabilang tayo pati na ang lahat ng mahalaga sa atin. Pansantala lamang Niyang pinahihintulutan tayo na gamitin ang resources ng Kanyang daigdig. Sa dakong huli, lahat nagbabalik sa Kanya. Maingat at mahusay ba nating ginagamit ang mga ari-arian ng Diyos?

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez