Kumasa si Senator Antonio Trillanes IV sa hamon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay na sumailalim sa lifestyle check.
Ayon kay Trillanes, mas mainam kung sabay sila ng bise presidente at mas maganda kung ang media pa ang maglatag ng mga alituntunin para sa lifestyle check upang magkaalaman na kung sino ang may kuwestiyunableng yaman.
Hinamon ng kampo ni Binay na sumailalim sa lifestyle check sina Trillanes at Senator Alan Peter Cayetano bunsod ng isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y maaanomalyang proyekto na kinasangkutan ng bise presidente noong termino nito bilang alkalde ng Makati City.
Isinapubliko na rin ni Binay ang kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) kung saan nakasaad na aabot sa P60 milyon ang halaga ng ari-arian nito.
Wala namang reaksyon ang kampo ni Cayetano hinggil sa hamon ni Binay.
“Game ako diyan kung sabay kami ni VP Binay. Mas maganda kung ang media pa ang mag-set ng parameters para i-subject kaming lahat sa same standard,” ani Trillanes.
Aniya, wala siyang itinatago at lalong hindi siya naakusahan ng katiwalian, partikular na sa usapin ng Disbursement Allocation Program (DAP) at Prioriity Development Assistance Fund (PDAF).