Ang malaking pagkakaiba sa tawagan ang siyang naging malaking hadlang kaya nabigo ang Far Eastern Univeristy na makadepensa ng maayos kontra sa defending champion na La Salle na nagresulta sa malaking panalo ng huli, 94-73, sa unang laro para sa kanilang Final Four pairing sa UAAP Season 77 basketball tournament noong nakaraang Sabado sa Mall of Asia Arena.
Hindi na naitago ni FEU coach Nash Racela, na nagkataon pa namang graduate ng La Salle, ang labis na pagkadismaya sa naging takbo ng officiating partikular sa second half ng laro kung saan tinawagan ang kanyang Tamaraws ng kabuuang 26 fouls kumpara sa 12 lamang ng Green Archers.
Sa katunayan, matapos ang laban ay mayroon kabuuang 33 fouls ang Tamaraws kumpara sa 19 lamang ng Green Archers.
“Paano ka pa didipensa kung ganu’n ang tawagan?,” ani Racela na labis ang pagkalungkot sa pangyayari kung saan binigyan ang La Salle ng season-high na 46 free throws, 42 dito ay sa second half.
“When you play a team like La Salle o kahit na anong malakas na team, the only way you can beat them (Green Archers) is by playing good defense. Pero kung hindi ka papayagang dumipensa, mahihirapan ka talaga,” dagdag pa ni Racela.
“Siguro, mas maganda ang nilaro nila sa amin at hindi namin ‘yun nagawan ng solusyon, pero bilang coach alam ko andu’n yung effort at focus ng mga players ko at ginawa nilang lahat ng kanilang makakaya,” ayon pa sa FEU mentor.
“Kaya andu na ‘yung frustration because wala, eh. Binibigay nila lahat, eh, lalo na si Belo (Mark), pero wala talaga mangyari.”
Gayunman, hindi naman nawawalan ng pag-asa ang Tamaraws coach matapos ang nasabing pangyayari.
“They (LA Salle) just forced a do-or-die, regardless if it’s a one-point loss, a 30-point loss, or 50-point loss. Basta sabi ko lang sa mga players ko, let’s forget about this loss, because this is behind us now. Ang importante ‘yung next game.”