Muling nagkaaberya ang Metro Rail Transit (MRT) sa riles nito sa pagitan ng Buendia at Ayala stations sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay MRT Officer-in-Charge (OIC) Renato Jose, dakong 5:23 ng umaga nang matukoy ng inspection train, na unang lumabas mula sa depot, ang abnormalidad sa riles sa pagitan ng dalawang istasyon.
Hindi naman pinayagang masakyan ng mga pasahero ang mga kasunod na tren dahil nagsagawa ng round inspection ang pamunuan para alamin ang tunay na dahilan ng aberya.
Dahil dito, nagpatupad ng provisional service o limitadong biyahe ang MRT mula North Avenue station hanggang Shaw Boulevard station at pabalik lamang.
Bago mag-7:00 ng umaga ay tuluyang pinasakay ang mga pasahero at naibalik sa normal ang operasyon ng MRT.
Mistulang nakalutang sa alapaap ang kasagutan sa malaking tanong ng mga pasahero kung kailan matitigil ang mga aberya sa MRT na anila’y nagdudulot ng matinding perhuwisyo sa kanilang biyahe.