Ayon kay Pangulong Alfredo E. Pascual ng University of the Philippines, pinaiimbestigahan na ang naganap na pagkuyog ng mga estudyante kay Budget Secretary Butch Abad sa nasabing pamantasan. Hindi dapat palampasin ito, wika niya. Kailangan daw malaman kung sino ang mga sangkot dito at kung ano ang nilabag na mga patakaran ng eskwelahan upang maipataw ang kaukulang pagdidisiplina sa kanila. Hindi raw naman lahat nang kumuyog kay Abad ay taga-UP.
“Pinagbabato ako,” reklamo ni Abad. “May kumuelyo pa sa akin at sa aking palagay ay nais akong saktan,” sabi pa niya. Naganap itong hindi magandang nangyari kay Abad pagkatapos siyang magsalita sa isang klase sa UP College of Economics. Nang lumabas siya ay sinalubong na siya ng mga mag-aaral, hinamak at pinagbabato. Dapat iginalang si Abad, wika ni Pascual, lalo na nga na inimbitahan siya ng eskwelahan. Hindi naman nakuha ng camera ng CCTV ang pagkwelyo sa kanya, tulad ng tinuran niya. Ayon sa mga security guard ng pamantasan, mga binalot na papel lang aniya ang ibinato sa kanya.
“Hindi ko kinukunsinti ang ginawa ng mga estudyante kay Abad.” Pero, ito ay dapat na pag-ukulan niya ng panahon. Marami rin kagaya niya ang kinamuhian ng taumbayan partikular na nga ng mga estudyante sa panahong sila ay nanunungkulan, pero hindi nila naranasan ang kanyang naranasan. Kasi, mula kay Pangulong Aquino hanggang kay Pangulong Gloria, ipinakita ni Abad na kaisa siya ng mga estudyante sa kanilang simulain at paninindigan. May katagalan ding ipinakita niya na siya ay para sa malinis at matinong pagogobyerno. Katunayan nga, kasama ang ilan nag-resign siya sa pamahalalan ni Pangulong Gloria para sabihin na hindi niya masikmura ang ginagawa nito. Eh lumalabas na magandang panahon at puwesto lamang pala ang kanyang hinihintay para magawa ang ginagawa niya ngayon. Kagaya ni VP Binay, ang buong pamilya niya ay nasa gobyerno na ni Pangulong Noynoy. Ang ginawa ng mga estudyante sa kanya sa UP ay karugtong lang ng “One Million March” ng mamamayan laban sa pork barrel. Kung tinatawag na Pork Barrel King si PNoy, siya naman, Pork Barrel King Maker.