NEW DELHI (AP) – Sa unang tingin, mistula itong diplomatic love-fest. Nakipagdiwang si Chinese President Xi Jinping sa kaarawan ni Indian Prime Minister Narendra Modi sa isang saganang hapunan noong nakaraang linggo. Payapa silang nag-uusap habang naglalakad malapit sa Sabarmati River, suot pa ni Xi ang isang Nehru jacket.
Pinuri nila ang isa’t isa at ang kani-kanilang bansa. Inilarawan ni Xi ang India bilang “enchanting and beautiful land.” Sinabi naman ni Modi na ang kanilang pagtutulungan “will open big gates for progress and development in the world.”
Pero walang dudang hindi nila napag-usapan ang matinding pangamba ng India sa pagkilos ng China sa Indian Ocean, na namumutiktik sa mga Chinese construction project.
At habang lantad ang agresibong pag-angkin ng China sa mga teritoryo sa South China Sea at East China Sea, ang tahimik na agawan sa impluwensiya sa Indian Ocean ay masusing sinusubaybayan mula Tokyo hanggang sa Washington, D.C.