Laro ngayon: (MOA Arena)
4 p.m. FEU vs DLSU
Sino ang magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa pagpasok sa Final Four round?
Ito ang paglalabanan ng Far Eastern University (FEU) at ng defending champion De La Salle University (DLSU) sa kanilang muling pagtatapat ngayon sa playoff game para sa No. 2 spot sa semifinals ng UAAP Season 77 basketball tournament.
Sa ganap na alas-4:00 ng hapon pag-aagawan ng Tamaraws at ng Green Archers, kapwa taglay ang barahang 10-4 (panalo-talo) ang nasabing bentahe.
Bagamat dalawang beses nilang tinalo ang Green Archers sa nakaraang eliminations, nais ni coach Nash Racela na muling pataubin ang Green Archers sa pagkakataon na ito.
“There’s no reason for us to be complacent. Siyemre, ibang level na ‘yung pinaglalabanan,” ani Racela na nagpahayag na gusto niyang umabot ng finals at umaasang ganito din ang hinahangad ng kanyang mga player.
“I’m hoping for a different result this year,” dagdag pa nito na binalikan ang nangyaring kabiguan nila sa Green Archers noong nakaraang taon sa Final Four round kung saan ay pumasok sila sa No. 3 habang No. 2 naman ang La Salle na siyang pumasok sa finals at nagkampeon.
Sa kabilang dako, itinuturing naman na malaking hamon sa La Salle ang muli nilang pagtatapat ng Tamaraws dahil sa natamo nilang kabiguan sa mga ito sa nakaraang eliminations.
“Siguro mas exciting ito and more challenging. People think FEU is our jinx so it’s something for us to prepare for,” pahayag ni La Salle team captain Jeric Teng.
“They play well as a team especially with FEU being led by Mike Tolomia. They are all talented,” dagdag pa ni Teng na tangkang pamunuan muli ang Green Archers para makamit ang second seeding papasok sa Final Four.